Ron, magpakailanman

Hindi nagsimula sa pansit ang ugnayan namin ni Ron, pinsang buo ko. Magkapatid ang mga nanay namin. Kundi sa baboy.

Nakatatak sa aking isipan ang mga sulat na takdang aralin ng aking guro sa ikalimang baitang noon. Sabi niya, gumawa daw kami ng sulat.

Petsa at bating panimula.

6 ng Agosto, 1974, kagyat na sinulat ng patpating lapis na Mongol. Pinsan kong Ron, dagdag na panimula.

Ang baboy ko ay lima. Ito ang buod ng sulat.

At ngayon ngang lampas na ako sa ikalimang baitang, palaging tanong ko kung bakit nais kong ipaalam kay Ron na lima ang baboy ko noon.


Naalala ko si Ron ngayong nakahimlay ang kanyang katawang ilang taong naghirap.

Nagkaroon siya ng stroke habang nasa trabaho at ilang ulit niyang nabatid at nalaman ang pagmamahal ng mga taong malapit sa kanya sa panahon ng kanyang pagkaratay.

Iniwan niya si Marissa, ang kanyang butihing maybahay. Iniwan niya ang kanyang apat na anak.

Napakaganda ng buhay ni Ron, kung tutuusin. Makulay at mabunga. Pinarangalan siya ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas dahil sa kanyang paglingkod, minahal siya ng kanyang mag-anak, ginagalang at palaging naaala ng kanyang mga kaibigan at kaanak.

Karugtong ng buhay niya ang buhay na tinulungang niyang muli sa kanyang nakatatandang kapatid na si Manoy Monching, Ibinigay niya ng walang pag-alinlangan ang kanyang kidney. At sa kaarawang muling paggunita ni Manoy Mon, ang saad ni Ron sa kanya ay ganito, "Ang tanging handog ko, Manoy sa inyo, ay ang galing sa akin para sa iyo, kapatid ko."

Maraming salitang maririnig dahil sa pagiging mapagbigay mo, Ron. Maraming pagpapahayag na mararamdaman dahil sa paglilingkod mo, Ron. Maraming dahilan ang maisasantabi at maibababahagi dahil sa iyo, Ron.

Ngunit para sa akin, isa lamang ang makapagbibigay ng dahilan at adhikain--minahal mo kami at mahal ka namin.

Magpakailanman. 

7 July 2014

No comments: