Ayoko ng maging Santo Papa


Isa lamang ang dahilan kung bakit nais kong maging Santo Papa.  Matagal ko na itong ipinahayag at ipinagsasabi sampung taon na yata ang nakalipas.  Bibihira na lamang ang napapatawa o pilit na napapangiti kung sinasabi ko ito. 

Kapag ako ang naging Santo Papa, gagawin kong shrine ang Atlantic City dito sa New Jersey. 

Alam ng lahat na dinarayo ang palaruang ito ng Amerika.  Nagkalat ang iba’t ibang mga kasino at pasugalan.  Mistulang Las Vegas dito sa baybayin ng hilagang silangan.

Para kasing may kababalaghang hatak ang Atlantic City.  Parang may himalang nagaganap kapag nabanggit mo ito sa isang taong matagal ng hindi nakadalaw dito.

Atlantic City—sa pagbanggit lamang ng ngalan niya ay nakakitang muli ang mga bulag, nakakarinig muli ang mga bingi at kahit ang mga lumpo ay natututong lumakad na muli at kung minsan ay napapaindak sa pagsayaw.

Atlantic City—mas marami pa yatang nananalangin roon kaysa sa mga kapilya at simbahan.  “Panginoon, sana po naman manalo ako sa tuwing didiin ako dito sa slot machine,” buntong hininga ng isa.  At saad naman ng malapit sa kanya, “Panginoon, isang balasa na lamang sa Blackjack at mananalo na ako.”

Ngunit parang napakalabo yata ng panaginip kong ito.  Walang cardinal na maglalaan sa akin ng kanyang boto.  Parang napakababaw yata ng dahilan.

Kaya nitong mga nakaraang araw ng pagdidilili at ng mga gabing ginising ako ng sariling hilik, napagtanto kong ayaw ko ng maging Santo Papa.  As in.  Sa totoo lang.  Peksman, lumago mang muli ang buhok ni Donald Trump.

Gusto ko na lamang maging Santo.  San Pedro de Sorsogon.  Ayan, gandang pakinggan!  O kung batay naman sa bayang kinalakhan ay San Pedro de Bulan.



Dalawang santong Pilipino na ang itinanghal—San Lorenzo de Manila at San Pedro Calungsod.  Sila ang magiging kinatawan ng Manila at lunsod.  Ako naman ang magiging kinatawan ng Sorsogon, ang pinakadulong lalawigan sa Luzon.  Ako ang magiging kinatawan ng Bulan, isa sa pinakadulong bayan sa Sorsogon.

Kaya lang, si San Lorenzo at si San Pedro ay naging mga santo ng simbahan sa pamamagitan ng pagbuwis ng kanilang mga buhay para sa pananampalataya.  Ano naman ang maibubuwis ko sa pananampalataya upang maging santo?

Hindi naman maari lamang ang payak na panulat na ito o ang mga hamon sa buhay ko.  Hindi naman maari lamang ang pagsisimba, pananalangin at sigasig ng kalooban ko.  Hindi naman maari lamang ang impit na pagmamahal at nakatagong pag-ibig ko.

Ano pa nga ba? Marami pang iba.  May iba na alam ko.  At may iba rin na hindi ko malalaman. 

Ang alam ko lamang ay may naiibang tatawag sa akin sa araw na maputol ang aking hininga.  Ang alam ko lamang ay may naiibang tinig na maririnig sa araw na ang araw at gabi ay wala ng pagkakaiba.  Ang alam ko lamang ay may naiibang pagmamahal na magpapadama.

At sa araw o gabing iyon, hindi na mahalaga kung ako man ay santo o Santo Papa.  Ang mahalaga ay makapiling Siya, ang kabuuan ng buhay at ligaya.  

6 August 2014

No comments: