Kung Bakit Lumuha si Padir Jun

Ang takot at ang kaba, ang lungkot at ang dusa, ang saya at ang ligaya.  Ito ang mga nakita ko sa mga luhang umagos sa mata ni Padre Bernardino.  Katatapos lamang naming ipanalangin ang kanyang mga pangangailangan at hikbi.  Katatapos lamang naming pag-isahin ang aming pagpapala at kanyang gunita.  Katatapos lamang naming pag-ugnayin ang aming pagpupuri at pagbabasbas.

Ilang buwan na rin ang nakalipas nang malaman niyang may taning na ang kanyang buhay.  Nagsimula sa hindi inaasahang Parkinson’s at humantong sa traydor na kanser.  Naghirap siya.  Ang sakit at pangamba ay palagiang kasama.

Kakaiba rin ang kanyang kuwento.  Nagpalipat-lipat sa iba’t ibang seminaryo at Obispo.  May mga panahong ang tanong niya sa Maykapal ay ganito, “Tinatawag mo nga ba akong maging alagad mo?”  Wala siyang narinig na sagot.  Wala siyang narinig na tugon.

Maliban sa nadama niyang pagkalinga at pag-aalaga na nanahan sa mga taong naging salamin at tagapaglarawan ng Diyos.  Na siya ring nanahan sa isang obispong sumang-ayon rin sa tawag ng Panginoon,

At nagi nga siyang Padre Bernardino.  O Padir Jun, dahil dyunyor siya ng kanyang Tatay.


Hindi natapos doon ang kanyang pagtatanong at pagdarama sa pagkalinga ng Diyos.  Kahit na nga siya’y naging pari, maraming beses ding sinubukan siyang muli. 

Binigyan niya ng patlang at puwang ang kanyang paglingkod.  Naging drayber siya at security guard.  Tumira siyang mag-isa at naghanap buhay.  Ibang gawain ginawa niya maliban sa pagiging pari.  

Ang Diyos ay palaging tumatawag at palaging nagpaparamdam ng pagkalinga.  Ito rin ang palagiang naramdaman ni Padir Jun.  At iyon nga, bumalik siya sa pagmimisa, sa pagpapakumpisal, sa pagbibinyag, sa pagkasal, sa pag-ugnay ng mga may hidwaan, sa pagbabasbas.

At sa loob ng mahigit pa sa dalawampu’t pitong taon ay muli niyang ibinahagi ang Mabuting Balita ng Panginoong kanyang sinasamba at minamahal, ang Panginoong Hesus.

Kaya noong tumulo ang luha sa kanyang mga mata, naalala ko ang Panginoon, na minsan ay umiyak rin, sa ibang dahilan.

Marahil natakot si Padir Jun sa kinabukasang wala siyang kinalaman at kapangyarihan.  Marahil humimlay ang kaba sa katawan niyang naghahanap ng lunas at pag-asa.  Marahil nanaig ang takot, nagpaiwan ang kaba.

O baka nga naman, natabunan siya ng lungkot at dusa.  Dala ng paghihiwalay ang kalungkutan.  Kaakibat ng pagbukod ang dusa.  Dulot ng pag-uwi kung minsan ay luha.

Ngunit sa lahat ng ito, ang natira at nagpaiwan ay saya at ligaya.  Masaya siya’t nadama niyang muli ang pagkalinga ng Diyos na tumawag sa kanya.  Masaya siya’t naramdaman niyang muli ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong nakapaligid sa kanya. 

At sa muling pagtulo ng kanyang mga luha, ang tanging dahilan lamang ay ligaya.

2 October 2013
 

No comments: