Kailangan Kita


Sa mga gabing matampuhin ang mga bituin at sa mga umagang walang liwanag na nasisinag, sa mga araw na namamayagpag ang mga ulap at sa mga sandaling umusad ang panahon, sa mga tulang hindi nagkakatugma at sa mga kuwentong walang tapos, tanong lamang ang tanging sagot-- Bakit nga ba kailangan kita? 

Butterfly Farm, Bohol, Philippines 2013
Tinanong kita kung kailangan nga ba natin ang karamay sa buhay.  Sabi mo naman, kailangang may kasama sa pagbahagi ng buhay at puso, kailangang may kasama sa anumang tagumpay at kabiguan, kailangang may kasamang asarin at mahalin, sa kantiyawan at kakulitan.

Sa pagkakaibigan ba nagsimula ang lahat?  At paano nga ba namang mas madaling magpahiwatig ngayon ng saloobin kaysa sa noon?  At paano nga bang nangyari na mas lalong napapalapit ang isang tao sa atin ng hindi inaasahan?

Sa pagkakaroon ba ng supling nadagdagan ang pangangailangan?  At paano nga ba namang mauunawaan na anumang galing sa atin ay talaga namang hindi atin, kundi mga buhay lamang na hiram?  At paano nga ba naman matatanggap na anumang hiram ay kailangang isauli sa tamang May-ari?

Kinakailangang magbigay ang Maykapal kaya ibinigay niya ang ating pangangailangan.  Sa tatlong bahagi ng buhay ito nararamdaman.

Una, ang bagay.  May mga bagay sa mundo na bigay ang Maykapal na hindi natin nais.  At may mga bagay naman sa mundo na talagang kanais-nais.

Pangalawa, ang panahon.  May mga panahong lumipas na kung kailan hindi natin pinahalagahan ang mga bagay at taong bigay.  At may mga panahong lilipas pa rin na sana’y mga tao at bagay na bigay ay pahahalagahan natin.

At pangatlo, ang tao.  May mga taong dumarating sa buhay natin sa dahilang hindi natin malaman.  At may mga taong umaalis naman sa buhay natin sa mga dahilang mas lalong hindi natin malalaman.

Hindi naman marahil kinakailangang maunawaan natin ang lahat. 

Sa mga bagay, panahon at tao na binigay at kinuha, sa mga panahon, tao at bagay na pinahalagahan at tinalikuran, sa mga tao, bagay at panahon na dumating at lumisan, ang tanging nararamdaman at nawa’y matuklasan ang pagpasalamat sa Siyang nagbigay ng lahat.

Dahil kung tutuusin nga naman, maglalagas ang mga dahon sa puno at mawawala ang dating lakas at sigla, puputi ang buhok at kukulubot ang balat, lilipas ang panahon at tayo’y lilipas na rin.

At walang makakaalala…

Maliban sa isang mag-aalala pa rin at tanging nakakaalam—ang Diyos na alam ang lahat ng ating pangangailangan, ang Diyos na kinailangang ibigay ang kanyang sariling Anak para sa ating mga pansarili at pangkalahatang pangangailangan, ang Diyos na sa buhay ngayon at sa darating ay kailangang kailangan.




4 September 2013

No comments: