Buwan

Panglao Island, Bohol * 2013

Akala  ko may lalaki sa pisngi ng buwan.  Maling akala pala dahil sa kalaunan, babae ang nakita ko.

Isang maikling kwento bago ko isaysay ang buwan--taga ibang bayan ang Lolo, sa lugar sabi nila ng mga aswang, nang masilayan niya si Lola, marahil isang gabi, sa liwanag din ng buwan.  
Siya'y nabighani't nabihag sa gandang kanyang natuklasan kung kaya't sa buwanang pagkulimlim ng langit sa buwan, sa Bulan, siya nanahan.  Yun na nga marahil ang simula ng aking pakikipag-ugnay at pagkatuwa sa buwan.

Sa mga Bicolano, ang tawag sa kanya ay Bulan.  Para sa akin naman, ito ang pangalan ng bayang aking kinalakihan, kung saan ako unang nagsalita, natutong lumakad at mamasyal, tumula ng walang tapos at umawit ng kapos sa tono.  Nangyari ito sa bayan ng Bulan, lalawigan ng Sorsogon.

Katulong ng haring araw ang buwan sa pagbibigay tanglaw sa sangkatauhan. Pusikit at bumubusilak man ang mga bituin, ngunit sa pagkalat ng dilim, ang tanging nababanaag kung minsan ay ang hiram na liwanag ng buwan.

Maraming aral ang buwan.  Una, hindi niya inaangkin ang hindi kanya.  Hindi sa kanya galing ang liwanag, kundi sa araw.  Kung wala ang araw, walang liwanag na ibinabahagi ang buwan.  Pangalawa, may dahilan kung bakit nariyan siya bilang buwan at pumapangalawa lamang sa araw.  Mahirap ang maging pangalawa.  Malimit nais nating maging una at manguna.  At pangatlo, kadalasan ang araw ang hinahanap natin sa araw araw.  Madalang na hanapin natin ang buwan.  Ngunit nariyan siya, hanapin man o hindi.  Nag-aabang at nagpaparamdam.  Naghihintay na maglingkod at magmahal.  Umaasang hahanapin.

Suriin natin ang mga aralin na ito.

Ang pag-aangkin ng hindi atin.  Ito ang isa sa mga kasalanang karugtong ng pagkakasala ni Eba at Adan.  Inangkin nila ang Diyos.  Utos ng Diyos na nasa kanila ang lahat sa paraiso ng buhay maliban sa kahoy na ipinagbabawal.   Marahil natukso ng ahas o marahil sa udyok ni Eba o marahil din sa kahinaan ni Adan, ang pagkakamaling iyon ay nagdala pa ng iba’t iba pang kamalian.  Pinatay ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel.  At magmula noon, nagkaroon ng hidwaan, digmaan at pagkawatak watak ang sangkatauhan.

Pangalawa, ang dahilan kumbakit may buwan.  Ang lahat ng bagay ay may dahilan.  Walang nangyayaring hindi sinasadya sa mundo at sa buhay.  May dahilan ang lahat.  Kaya kung may mapait mang nangyari sa ating buhay, may dahilan iyan.  O kung may taong biglang nagpabuhay muli ng ating dugo’t gunita, may dahilan iyan.

Eto rin nga marahil ang dahilan ng panahon.  Marami sa atin ay idinadahilan ang kahapon dahil sa ayaw takasan ang katotohanan.  Marami rin sa atin ay idinadahilan ang ngayon dahil ayaw harapin ang karimlan.  At marami sa atin ay idinadahilan ang bukas dahil ayaw tanggapin ang liwanag.

Ito ang panghuli.  Maihahalintulad ang buwan sa isang basahan na pagkatapos ang dumi’y mapunasan ay muling nilabhan.  At nang matuyo ay ginamit na muling basahan.  Pakatapos ng lahat ng hiram na liwanag, nagkulimlim muli ang langit, nawala sa alaala ang buwan.  Ngunit sa totoo lang, siya’y nariyan kung kinakailangan.

Dumilim man ang langit, itago man siya ng mga ulap, dumagundong man ang mga kulog at magpaligsahan ang mga kidlat, nariyan ang buwan.

Tulad ng Diyos na nariyan sa karimlan at ulap.  Tulad ng Diyos na dumadagundong sa kanyang mga kulog at tinatanghal ang kanyang mga kidlat.  Tulad ng Diyos na siyang gumawa ng araw at buwan. 

Tulad ng Diyos, ang dahilan ng lahat.

6 August 2013


No comments: