Bahaghari

Parang nakipag-usap ang Tatay sa Tadhana sa kasarian ng kanyang mga supling.  Unang ipinanganak ay lalaki, sinundan ng babae, sumunod ay lalaki, babae ulit, lalaki na naman, babae at panghuli ay babae.  Dito parang nasira ang agwat at pagkakasunud-sunod.

Pito kaming magkakapatid, pito na tulad ng kulay ng bahaghari.  Kung bakit bahaghari ang tawag sa iba't ibang kulay na pumipinta sa langit at kalawakan ay naisaysay na ng panahon, kasaysayan at kasarinlan.  Para daw itong bahag ng hari--makulay, magara, maharlika.



Isinulat ng Banal na Kasulatan na ang bahaghari ang simbolo ng pagtubos sa tao mula sa kasalanan.  Pagkatapos na ipagliban ang kabanalan ni Noah at ang kanyang konting mag-anak ay nanahan ang bahagharing hudyat sa katapusan ng matinding baha na tumupok ng karamihan.  Ang bahaghari ang nagsilbing larawan ng isang Diyos na naninirahan sa bawat kulay.

Magsimula tayo sa kulay na pula, parehong kulay ng dugong dumadaloy at nag-uugnay.  Pula ang kulay ng paghahandog at pagtitiis ng Diyos para sa tao.  Mula sa mga pag-aalay na inihandog ng ating mga ninuno sa pananampalataya hanggang sa ating mga pag-aalay ngayon, pulang dugo ang nakikitang umaagos sa bawat ugat at gunita.

Orange ang sumunod.  Dalandan nga ba talaga ang salin ng salitang orange?  O kulay dalandan?  Sa atin atin lang ito, kung may mga taong walang alam kung ano ang dalandan, marahil wala silang mapapala maliban sa balikang muli ang Ingles na kahulugan--orange.  

Paghihiwalay naman ang isinasaad ng orange.  Marahil dahil sa ang dalandan ay kinakailangang paghiwalayin minsan upang malasahan.  O maaari ring sa paghihiwalay lamang makikita kung paano nga ba ang maging isa.  Ewan ko.  Basta kapag dalandan daw ang kulay ay nagkakaroon ng hiwalayan.

Walang makakapagtago sa kulay na dilaw na ang hatid pala ay buhay.  Medyo malapit sa puting kulay na nilalaman ang pitong kulay at malayo sa itim na liban ang lahat ng ito.  Ang yumaong Cory Aquino ang nagpausong magsuot nito noong kapanahunan ni Marcos, pagtutol at pagsalungat sa maling panungkulan.  Dilaw na siya ring binigyang buhay ng anak niyang si Noynoy kinalaunan.

Hatid ng luntian ay kaligayahan.  Sa kalendaryo ng simbahan, kalimitan ang suot ng pari ay luntian.  Kaligayahan nga naman ang maging bahagi ng simbahan.  Kaligayahan nga naman ang pangakong handog ng luntian.  Nakikita natin ito sa mga puno at dahon, sa mga bungang hinihintay ang paghinog, paghati at pagbahagi.

Bughaw o asul ang kulay ng kalawakan at kahulugan naman nito ay nararapat lang na kabanalan.  Sa panahong hindi nababalutan ng ulap ang kalawakan ay nasisinag ang kalaliman ng Panginoon.  Kumulog, kumidlat, umambon o umulan man at kagandahan ng mundo ay natatakpan, bughaw ang panghuling nakikita sa dulo ng walang hanggan. 

Tinang asul, anyel o indigo naman ay nangangahulugang suklob, takip o saklaw.  Naaalala natin at nagugunita ang paglalakbay ng mga Israelita noong mga panahon.  Nasasaklawan sila ng ulap sa init ng disyerto at kung gabi naman ay balot sila ng liwanag.  Saklaw tayong lahat ng pagmamahal ng Diyos--malaya, mapagbigay, mapagparaya, mapagmahal.  Marahil ang katotohanang iyan ay minsan nakakalimutan.  Marahil kinakailangang ipagbigay-alam.  Muli.

Ang panghuling kulay, ang byoleta o lila, ay nangangahulugang katarungan.  Makatarungan ang Diyos.  May parusa sa gumagawa ng kamalian, may gantimapala sa gumagawa ng tama.  Kadalasang nakikita natin ang kamalian ng iba at bulag tayo sa mga gawaing tama.  Bahagi na yata ng pagiging tao ang maging mapaghusga ng kapwa.  Hindi tayo tinawag na maging mga hukom ng bawat isa.  Tayo ay tinatawag na maging mga saksi sa kabutihan ng Diyos.

Sadyang tumingalang muli ang Tatay sa kalawakan bago siya maputulan ng hininga.  Mag-iisang taon na ang panghuli at pampitong anak niya.  Walang pula, dalandan, dilaw, luntian, bughaw, anyel o lila siyang nakita.  Lahat ng kulay na ito ay nadama na niya.  Sa harapan niya mismo ang Maykapal na lumikha ng lahat ng kulay at linalaman ay kulay—ang bahag ng Tunay na Hari, ang Bahag ng Diyos.

 5 June 2013

No comments: