Before ka diyan (kathang isip ni Leonardo)


Panglao Full Moon, Bohol * 2013


Nakakatuwa itong kausap ko.  Matagal ko na rin siyang hinanap--sa Google, sa Instagram, sa Twitter, sa Facebook.  Kahit nga RCPI, PT & T at PLECS, nagtry ako.  Pero, wala talaga.  Marahil magaling magtago.  O marahil, nagtatago.  O posibleng, at maaaring ito nga ang dahilan, ayaw niya akong matagpuan siyang muli.

Ngunit tulad nga ng mga kuwento sa panitikan, kasaysayan at Bibliya, natagpuan ko siya.  Nagkwentuhan kami.  Isinaysay ko ang iba't ibang pangyayari sa aking buhay--ang aking mga nagdaan, pangkasalukuyan at haharapin.

Nagkwento ako tungkol sa aking love life.  Aba, makulay!  Sabi ko, ibang iba talaga ang buhay ko dahil wala ka.  Hinanap kita ngunit parang nagtago ka.  At nagkwento pa ako tungkol sa aking mga dinaanan.  Sabi ko para akong si Leonardo na naghahanap ng kanyang Daisy sa Great Gatsby.  At isinaad ko pa ang pagmamahal na walang hanggan, pagmamaliw at katapusan.

May pagkakaiba, ang sabi niya.  Ang mahal ni Leonardo ay iisa.  Samantalang ikaw ay lampas pa sa aking mga daliri.  Sabi ko naman, before yun.  Sagot sa akin,

Before ka diyan.

Pssssst.  Parang karayom na bigla na lamang tumalsik sa lobong nagpipilit umindak.  Pssssst.  Para akong hanging biglang naubos sa tangke ng isang hikaing nagpupumilit.  Pssssst.  Para akong halohalong nalusaw sa init ng araw at bigla na lamang natunaw tanglay ang mga nagkakapit bisig na saging, munggo, langka, gulaman at leche flan.

Before ka diyan.

Bubuntong hininga na naman ako nito.  Bakit nga ba hindi na mahihila ang kahapon? At bakit nga ba masarap balikan ang nakaraan?

Before ka, nariyan ang buwan.  Ngunit wala ka.  Walang sinag. Before ka, nariyan ang mga bituin.  Ngunit dahil wala ka, walang kislap.  Before ka, nariyan ang araw.  Ngunit dahil wala ka, itinago ng mga ulap at sa pagkulimlim ay nanaog ang ulan.

Kung sabagay at kung tutuusin, before  ang lahat, wala tayo.  Before ang Panginoon, maraming naghihintay at umaasa.  Before dumating si Hesus, maraming nalungkot, nabalisa at nawala.

Salamat na lamang at kahit mang before ka diyan, ikaw ay nariyan.  Tulad din ng pangakong walang katapusan.  Tulad din ng saysay na walang hanggan.  Tulad din ng salitang walang tuldok at di mawawalan ng saysay.

Before ka diyan.

26 June 2013

No comments: