Mama 'Ena



Ang Nanay ko ang nagbuklod sa aming magkakapatid nang mamatay ang Tatay.  Ang Nanay ko ang nagtaguyod sa aming lahat nang siya lamang ang naiwang magulang.  Ang Nanay ko ang bukod tanging naghikayat sa mga panahong kawalan at karimlan ang parang aming kahihinatnan.



Mama.  Ang kaunaunahang katagang nawika ko.  Mama.  Ang pangalang itinatangi ko.  Mama.  Ang salitang unang namutawi sa bibig ng mga anak niya.



Ang pagiging Nanay ay tawag ng Panginoon.  Hindi maaari itong piliin ng sinumang anak.  Ang pagiging Nanay ay biyaya ng Diyos.  Hindi maaari itong supilin ng sinumang tao.  Ang pagiging Nanay ay hulog ng langit.  Hindi maaari itong angkinin ng sinumang nilalang.



Hindi ko maisulat dito ang kabuuan kung paano maging Nanay.  Walang manunulat at manlililok  na makakapagbigay ng katumpakan nito.  Hindi kaya ng anumang dibuho at aklat.  Hindi kayang arukin ng anumang tunog, titik, tula at talambuhay.



Ang maging Nanay.



Kadalasan tangan nila tayo sa kanilang sinapupunan ng siyam na buwan.  Mahalagang mahulma ng husto ang sanggol sa pangangalaga ng kanyang ina.  Ang mga hindi pinagpalang maabot ang siyam na buwan ay tinatawag sa kalaunan na kulang, kaya dapat bigyan ng mas mahabang pagpasensiya.  Kung walong buwan lamang, medyo kulang.  Kung pitong buwan at kalahati, kulang pa.  At kung pitong buwan, kulang kulang.



At nagi na ngang Nanay.



Pakatapos na iluwal, nariyan ang mga gabing pinaghehele ang sanggol, tinitimplahan ng gatas, pinagpupuyatang samahan kung sinisipon, nilalagnat o kinakabag.  At kung medyo lumaki na ng konti, nariyan ang pagpupunas kung dumumi o magsuka, ang pagturo ng tama o mali, ang mga pagkaing dapat kainin at ang mga bagay na di dapat ilagay sa bibig, sa naglalakihang butas ng ilong o sa nag-aanyayang butas ng tenga.



Mahirap maging Nanay.




Huwag na nating pag-usapan pa ang mga hirap na dinanas nila sa pagpalaki sa atin.  Pag-usapan lang natin ang mga panahong mismong mga anak niya ang siyang nagbigay ng sama ng loob.  


Nandiyan kung minsan ang hindi mabuting kaisipan na hindi sila mahal dahil mas binibigyang oras at pagpapahalaga ang ibang kapatid nila.  Hindi siya.


May paborito ba ang Nanay?  Meron.  Ang anak niyang nangangailangan.  Kaya kung sino ang nangangailangan sa amin, iyon ang pinapahalagahan.  Kung sino ang may sakit, iyon ang pinagtutuunan.


Hindi ba iyan din ang turo ng Diyos?  Bilang isa ring Tatay na Lumikha at Nanay na nag-aaruga, ang Diyos ay may pinagpapala--ang mga taong nangangailangan sa kanya, ang mga taong kulang ang pag-unawa, ang mga taong nais Niyang bumalik sa tahanang ipinangako.


Mahirap maging Diyos, akala ninyo.  Kung Diyos ka, palagi kang sisisihin kung may sakuna at maagang kamatayan.  Kung Diyos ka, palagi kang tatanungin at susumbatan dahil hindi nasunod ang nais ng mga taong ginawa mo at minahal.  At kung Diyos ka, palaging tatanungin kung Diyos ka nga at may ginagawa ka sa mga kasamaang nakikita ngunit lingid ang mga kabutihang ginawa.


Mapalad ako dahil sa aking Nanay.  Alam kong may Diyos dahil sa pagmamahal at pag-aaruga niya.  At alam kung mapagpasensiya at maunawain ang Diyos dahil mapagpasensiya at maunawain rin ang Nanay ko, si Mama ‘Ena.


for Mother's Day 2013




No comments: