Altanghap



Ibang salita ito.  Parang hindi Tagalog, parang hindi Pinoy.  Pero Pinoy na Pinoy ang dating.  Mahilig kasi tayong mga apo ni Lapulapu na lumikha ng mga salitang hindi kailanman maisasalin ng anumang dikyonaryo at sinumang Webster.  Dumadaloy sa ating mga dugo ang pakikipaglaban ni Daguhoy, ang pagdidibuho ni Luna at mga panulat ni Rizal.

Kaya meron tayong mga salitang Tosilog, Tapsilog at Longsilog.  Walang salin iyan, Google Translate man ang gamitin.  Tosilog na pinagsama ng mga salitang tosino, sinangag at itlog.  Tapsilog na pinagsama na tapa, sinangag at itlog.  At longsilog na sama samang longanisa, sinangag at itlog.  O di ba masaya kapag nagsasamasama?

Kaya mayroong salitang altanghap.  Imbento naman ng Pinoy.  Pinagsamasamang almusal, tanghali at hapunan.  Kung ang Ingles ay nagpapahiwatig na palagi silang bukas sa pamamagitan ng bilang na 24/7, ang mga Pinoy naman ay pumagitan sa pagpili ng mga salitang nakapaligid sa oras ng kainan.

Mahilig tayong kumain.  Palagi tayong may mga  kinukutkot na mga snacks.  Marahil dahil sa init ng panahon o dahil sa madaliang dahilan na bukod tanging pagkain ang nagbubuklod sa atin, maliban sa panalangin.

Kung tutuusin, pagkain din ang nagbubuklod sa ating pananampalataya.  Tugon ng Panginoong Hesus na sa pag-alala sa kaniya, katawan niya ay gawing pagkain, dugo niya ay inumin.  At kung talagang tutuusin, ang pag-alala sa kaniya ay hindi lang Altanghap, kundi sa lahat ng oras o sa salitang Ingles ulit ay 24/7 o dalawmpu’t apat at pito kun isalin.

Tinapay o pandesal ang karaniwang kinakain tuwing almusal.  Kape at tinapay.  Tinapay na isinasawsaw sa mainit na kape--kapeng barako, kapeng galing sa Batangas, kapeng gawa sa bigas.  Walang tatalo sa pabubukas ng bawat umaga kung may mainit na tinapay at mainit na kape.  At wala ring tatalo sa matigas na tinapay kung may mainit na kape.

Inihalintulad ni Kristo ang kanyang sarili sa tinapay.  Siya ang tinapay ng buhay.  Siya ang tinapay na pinagsaluhan.  Siya ang tinapay na banal at magpakailanman.  Alaala sa buhay tuwing almusal.

Kung sa tanghali naman, kalimitan ay isda ang pananghalian.  Dahil malapit tayo sa dagat at sagana tayo sa kayamanan nito, nariyan sa hapag ang prinitong isda, isda na may gulay at sinabawang isda.  Dahan-dahan nga lang sa mga tinik nito dahil kung magkataon at mabara sa lalamunan, matutulungan ka lamang ng iilang taong ipinanganak na suhi sa pagtanggal nito.

Isda ang simbolo ng mga Kristyano noong unang panahon.  Nakikilala sila sa hugis ng isda.  Dahil karamihan marahil sa mga alagad ni Kristo ay dating manghuhuli ng isda.  At inatasan silang manghuli ng kaluluwang inihalintulad sa isdang nagkukumpulan sa lambat ng simbahan.

Hapunan ang huling kinain ni Kristo kasama ang kanyang mga alagad.  Doon nangyari ang pagtatag ng Banal na Eukaristiya at Banal na Orden sa Pagpapari.  Sumunod pagkatapos noon ang paghihirap niya sa Hardin ng Getsemane, ang pagpasan niya ng krus at kamatayan sa Bundok ng Kalbaryo.

Garden of Gethsemane, Israel
Ang bawat hapunan ng bawat mag-anak sa bawat araw na sila'y nagsasalo-salo ay alaala rin ng banal na hapag ng Panginoon.  Nandiyan ang sakripisyo at pag-aalay ng bawat ina at ama, ang paghihirap na katuwang sa pagkaing ihinain at sa pagpapatuloy ng simbahang itinatag sa puso ng bawat isa.

Sa lahat ng ito, ang tanging nag-uugnay lang ay ang Maykapal.  Siya ay palaging nariyan at kapiling sa altanghap.  Almusal man na may kape, tanghalian man na may sabaw, hapunan man na may kaunting gulay, nariyan at nananahan ang Diyos na buhay sa pagkaing tunay at taglay.
 
19 March 2013

No comments: