Tangan ng Tanga


Tama nga naman.  Mabuti pa ang mga sira, may pagamutan.  Pero, ang mga tangang tulad ko, wala.  Hindi naman dahil sa ako’y sira, ngunit sa konting palagay ko, ako’y tanga.  Tanga sa pag-ibig.

Akalain mo naman.  Ilang beses mo na akong tinalikuran at di pinansin.  Ilang beses na para akong asong nakabantay sa Facebook, umaasang sasagutin mo ang aking katakot takot na message.  Wala.  Ilang beses na rin akong nag-text.  Ako na yata ang nagpayaman sa Smart, Globe at Sun dahil sa libu libong text na ipinadala ko saiyo.  Ngunit hanggang ngayon wala pa rin.

As in, wala, walang sagot.  Walang pumupulang bilang sa Facebook, sa taas ng Message.  Hindi tumutunog ang aking cellphone.  Minsan naiisip kong sira ang aming computer.  O ang aking Smartphone.  Minsan naiiisip kong walang cell site na gumagana.  O baka sira ang iyong computer o cellphone.

Pero, talagang wala.  Walang sagot.  Walang text.  Wala lamang.

Minsan nga naiisip ko na lamang na sagutin ang aking sariling mga text.  “Mahal kita,” iti-text ko.  At sasagutin ko rin ng, “Mahal rin kita.”  “Kumain ka na ba?”  At sasagutin ko ng, “Hindi pa.”  “Sira ka ba?”  Sagot ko, “Hindi, a.  Tanga lang.”

Dahil kung tutuusin hindi rin niya babasahin.  At wala rin akong aasahang sagot.

Sangkatutak na Hay Naku na naman ito.  Salamat na lamang at maraming oxygen pang natitira sa mundo dahil Ilang buntong hininga na naman kaya ang huhugutin ko.   Salamat na lamang at nakakahinga pa ako ng malalim at napapasukan pa ng hangin ang mag-asawang butas ng ilong ko.  Dahil kung magkataong napasakan na ang mga ito ng bulak, wala nang gagambala pa sa iyo.  Hindi baleng mamumulubi ako sa kabibili ng Vicks Vaporub, White Flower at Tiger Balm, matiyak ko lamang na nandiyan pa ako para sa iyo.

Haaaaaaay!  Maaari ko bang bigkasing muli ang iyong matamis na pangalan?  Maaari ko bang banggitin muli ang kariktang namutawi sa iyong mga labi?  Maaari ko bang sambitin muli ang karangyaan at luho ng iyong gunita? 

Kung sabagay at kung tutuusin, hindi lamang ikaw ang nagparanas sa akin ng ganito.  Ako rin, minsan at palagian.  Kung sabagay at kung tutuusin, hindi lamang ikaw ang nagparamdam sa akin ng ganito.  Ako rin, parati at paulit ulit.  Kung sabagay at kung tutuusin, hindi lamang ikaw ang tumalikod at hindi pumapansin.  Ako rin, may kadalasan at malimit.

Ilang beses rin nakaabang sa akin ang Panginoon, hinihintay ang bilang sa Facebook Message ko sa kanya, konting panalangin lang ‘ika niya.  Ngunit wala.  Wala akong sagot.  Wala akong text back o reply back sa kanyang mga biyaya.  Hindi ko rin siya pansin.

Alam niya bawat kulubot ng aking mukha, bawat ugat sa aking katawan, bawat hibla ng aking hininga.  Siya ang nagpapayaman sa akin.  Lampas pa siya sa bawat Sun.  Daig pa niya ang anumang Globe. At doblehin man o sangkaterba ang katalinuhan sa mundo, wala pa ring tatalo sa kanya.  Dahil ang Panginoon na palaging tinatalikuran at di pinapansin ay Smart pa sa lahat ng Smart.

Nag-aalala ba siya kung sira ako?  Oo at hindi.  Oo, dahil kilalang kilala niya ako simula’t sapul pa.  Hindi, dahil siya ang may gawa sa akin.  Nag-aalala ba siya kung tanga ako?  Hindi.  Dahil siya ang nagpapakatanga para sa akin.

Alam kong siya ang bumubukas ng mga mata ko at gumigising sa umidlip na mundo tuwing umaga.  Nagpapasalamat ba ako?  Minsan, ngunit kadalasan hindi.  Alam kong Siya ang umaalalay sa akin sa buong araw, inililigtas ako sa sakuna at ini-aadya sa mga tukso.  Nagpapasalamat ba ako?  Minsan, ngunit kadalasan hindi.  At alam kong siya rin ang hihimlay sa akin pagdating ng gabi at sa mga sandaling gumapang ang dilim.  Nagpapasalamat ba ako?  Minsan, ngunit kadalasan hindi.

Tangan ng tanga ang kagandahan at kabutihan.  Sa karumihan ng tao nanaog ang kalinisan ng Diyos.  Sa kasamaan ng tao sumiksik at pumagitan ang kabutihan ng Diyos.  At sa katangahan ng tao nakaukit ang katalinuhan ng Diyos.   


4 January 2013



No comments: