Salamat sa lamat



Sabi nila nakakatuwa daw ang wikang Ingles.  Pero, mas nakakatuwa ang wikang Tagalog.  Saang lupalop ba sa daigdig makakarinig ka ng tanong na ganito, “Bababa ba?” at sasagutin ng “Bababa.”  O ang tanong na nagpapahiwatig ng pagkabahala at pagmalasakit, “Kakabakaba ka ba?”  At sasagutin naman ng, “Hindi naman kakabakaba, kumakatogkatog lang”

Walang pagkakaiba ang ating mga wika’t pananalita noong unang panahon. Nagkakaunawaan ang ating mga lolo at lola, nangungusap man sila o hindi, gumagalaw man ang kanilang mga dila, may pahiwatig man ng pagkakaunawaan o wala.

Ngunit sa maling akalain ng karamihan na marating nila ang pugad ng buhay, ang langit na inasam at inangkin, bato, lupa at tubig ay pinag-isa upang makahulma at makagawa ng isang bantayog na pupunit sa kalaliman ng kalawakan.  Ito ang toreng ginawa sa Babel.

Hindi maaarok ng isip ng tao ang karunungan ng Maykapal.  Hindi mahahadlangan ng tao ang kabutihan ng Diyos.  At hindi makukumpuni na lamang ng tao ang kabuuang lupang gawa ng Panginoon.

Lamat ng kasalanan ang siyang bumasag sa kagandahang nasaksihan sa paraiso.  Ang pagtalikod ni Adan sa binitiwang sumpa at salita ang siyang pumatid sa ugat na nag-ugnay sa puno ng buhay.  Ang maling pakikinig ni Eba sa udyok at tukso ng demonyo ang siyang pumutol sa hibla na tunay.

Ang demonyo ay palaging demonyo at hindi magbabago maliban lamang sa anyo.  Mansanas man iyan o atis, santol man o singkamas, duhat man o kamias, kung ang pagnanais ay labis pa sa kailangan, ang demonyong anyo ay nagpapapansin at nasisinagan.

Sa pakikinig sa maling akala at pagtugon sa mapariwarang tukso, nagkaroon ng lamat ang ugnayan ng Diyos at tao.

Lamat sa kabuuan ng buhay ang siyang bumitak sa mag-asawang Eba at Adan at bumiyak sa magkapatid na Cain at Abel.  Lamat sa kaligayahan sa buhay ang siyang bumasag sa katahimikan ng paraiso at lumabag sa nag-iisang tugon.  Lamat sa katunayan ng buhay ang siyang nagpasiklab sa pusong apoy na tangan ng Diyos at tumugong muli sa hikbi at pangungulila ng tao.

Ang sanggol sa Belen ang kabuuan.  Ang karpintero sa Nasaret ang kaligayahan.  Ang Diyos na humimlay sa sinapupunan ng Birhen ang katunayan.

Salamat sa lamat at ang pagpapala ng Panginoon ay nanahan sa lahat.  Salamat sa lamat at ang pagmamahal ng Diyos ay naranasan ng lahat.  At salamat sa lamat mukha, anyo, gunita at buhay ay nagkaroon ng panibagong kulay at balat.

6 December 2012

No comments: