Takot

Naglilipana naman ang mga kutong lupang itong parang walang magawa, narinig ko itong sinabi isang gabing magtatapos na ang buwan ng Oktobre. Bubuntong hininga na naman ako, saad niya. Di bale na lang, sabi ko naman. Ba’t kaya sa panahong mga santo lamang dapat ang bigyang galang ay nagkalat ang mga maskarang itong di mo mawari at maunawaan? Iyan ang tanong ko sa sarili.

Nandiyan ang mga duguang maskarang nakausli ang mga ngipin na parang hinayaang maghigop ng sangkatutak na sabaw noong kabataan. Nandiyan ang mga hugis impakto, unggoy, tipaklong at matsing—mga maskarang katatawanan, katatakutan at kababalaghan. Nandiyan din ang mga kasuutang panaginip lamang ang kalutasan—hari at reyna, prinsipe at prinsesa, Spiderman at Superman, Snow White at Wonderwoman.

Yung iba naman ay suot ang mga damit ng mga magulang nila. Kaya may pulis, may doktor, may nars, may bumbero, may guro, may makinista at may abogado. Walang nakadamit pari o madre. Iba na nga ang ikot ng mundo. Kadalasang may mga dalang supot sila. Sisidlan ng mga tsokolate at kendi. Yong iba naman para makarami bayong ang tangan. Kakatukan nila ang bawat bahay sa purok, habang matiyagang nakamasid ang iilan.

Wala ng takot. Katok lang.

Kung sabagay at kung iisipin nga naman, hindi tayo takot sa dilim. Natatakot lamang tayo kung ano ang ikinukubli ng dilim. Hindi tayo takot sa mga taong nakapaligid sa atin. Natatakot lamang tayong masaktan. Hindi tayo takot na magmahal. Natatakot lamang tayong na baka di tayo mahalin.

Dagdagan pa natin ang mga panakot na ito.

Hindi tayo natatakot ng kaitaasan. Natatakot lang tayong mahulog. Hindi tayo natatakot bitiwan ang mga masasayang alaala. Natatakot lang tayong magising sa katotohanang wala na tayong babalikan. Hindi tayo natatakot magsimulang muli. Natatakot lang tayong baka mauwi na naman sa kawalan ang lahat ng ating simulain.

At higit sa lahat, may ibang hindi na natatakot sa Diyos. Natatakot lamang silang tuparin ang kanyang mga utos at paghamon. May ibang hindi na natatakot sa Panginoon. Natatakot lamang silang magbalik loob tungo sa bagong pananampalataya at buhay.

Walang panakot na kailangan sa pusong nagmamahal, kundi isang katok sa kaluluwang hinahamong ihanay sa mga santo. Sana burahin na lamang ang takot ng isang tunay na katok—katok ng isang pusong nagmamahal sa isang damdaming katapatang loob at pusong lubos na minamahal.

31 October 2012

No comments: