Libing



Hindi kinakailangang ilibing ng magulang ang kanyang anak.  Hindi angkop.  Hindi bagay.  Hindi tama.  

Ito ang natunghayan ko sa mga mata ni Lolo Pedro at Lola Rosing nang ilibing ang aking Tatay ilang taon na ang nakalipas.  Halos walang patid ang mga luha sa halos walang katapusang gabi ng pagluksa. 

Sino nga ba naman ang magaakalang sa gulang na apatnapu’t isa’y bumalik na ang kanilang panganay na anak sa kanyang Lumikha?  Sino nga ba naman ang makapagsabing sa bawat umagang gigising ay may gabing kahambing?  At sino nga ba naman ang makakapangakong sa bawat bukas ay daratnan ang buhay na bakas?

Walang magaakala.  Walang makakapagsabi.  Walang makakapangako.  Maliban sa katotohanang  wala na siya sa pagkagat ng takipsilim.

Hindi rin inaakalang ilibing ng asawa ang kanyang kapiling.  Walang sadya.  Walang dahilan.  Walang saysay.

Ito rin ang nakita ko sa Nanay kong tahimik na nagluluksa.  Pitong magkakapatid kaming naulila.  Sa kanyang mga hikbi ay narinig ko ang mga tanong na hindi pa kayang sagutin ng araw at bukas.  Sa kanyang mga mata ay nakita ko ang mga kasagutang naiwaglit ng kahapon.  At sa mga kilos niya ay napansin ko ang mga pagsusumamo ng ngayon.

Sino nga ba naman ang makakapagsabing sa pagtalikod ng araw ay sasagutin niya ang karimlang hatid ng kanyang paglisan?  Sino nga ba naman ang makakapangakong darating at darating ang bukas na dala ang liwanag ng pag-asa? At sino nga ba naman ang magaakalang sa mga balikat niya ay biglang nakasalalay ang patutunguhan at kinabukasan ng kanyang mga anak? 

Walang makakapagsabi.  Walang makakapangako.  Walang magaakala.  Maliban sa katotohanang wala na siya sa sandaling kumutan ng dilim ang liwanag.

At hindi inaasahang ilibing ng anak ang kanilang mga magulang.   Parang walang patutunguhan.  Parang walang bukas.  Parang walang paalam. 

Ito ang nalaman ko nang naipinid na ang kabaong ni Lola Rosing kamakailan lamang.  Halos dalawampung taon na rin ang nakaraan nang ilibing din namin ang kanyang kabiyak, si Lolo Pedro.    Sa sampung magkakapatid, pito na lang silang natirang nagdadalamhati. 

Sino nga ba naman ang makakapangako ng kamatayang may hangganan?  Sino nga ba naman ang magaakalang darating ang mga sandaling ito na mapuputol ang mga dugong nag-uugnay sa kanilang angkan?  At sino nga ba naman ang makakapagsabing sa darating na mga araw, buwan at taon ay may umaga pa ring sisikat at maghihintay?

May pangako.  Hindi akala.  May nagsabi.  Sa takipsilim man ay wala sila, sa sandaling kumot man na tangan ay kadiliman at sa mga gabing laganap man ang karimlan, nariyan pa rin ang buhay na walang hanggan.

Si Hesus ang mismong pangako.  Si Kristo ay hindi nag-akala.  Ang Diyos ang siyang nagsabing Siya ang daan, katotohanan at buhay.  Ang sinumang manampalataya sa Daan ay hindi mawawala, magtiwala sa Katotohanan ay hindi mapapariwara, at manalig sa Buhay ay hindi mamamatay.

Buhay ang Tatay ko, ang Lolo at Lola at lahat ng mga pumanaw hindi lamang sa aking alaala’t gunita kundi dahil sa pangako ni Hesus na buhay.  Ito ang palaging naisasariwa ko sa aking pananampalataya’t isipan lalo na kamakailan lamang ng datnan at danasin kong  muli ang  isang libing.  

5 October 2012

No comments: