Kamay

Sa anong paraan ba nasusukat ang pagmamahal?  May karugtong pa ba ito?  May hangganan ba ang pag-ibig? 

Ito ang mga tanong na bumungad sa akin nang makita ko ang isang larawan ng isang patpatin at ugating kamay tangan ng kanyang anak.  Ito ang mga kamay na humugis ng isang mag-anak, mga kamay na nagtaglay ng iba't ibang dilim at liwanag, mga kamay na naghatid ng buhay at nakasaksi ng kamatayan.  Ito ang mga kamay ni Lola.

Hindi naman siya mayaman at hindi naman siya maralita.  Sa maliit na sweldong bigay ng kanyang asawang guro, nakuha nilang hakbangin ang panatang makapagtapos sa pag-aaral ang sampu nilang anak.  At sa paglipas ng panahon, nakuha nilang patnubayan nang sila mismo ang magkaroon ng kani-kanilang pamilya tungo sa iba't ibang landas.

May mga kuwento rin ng buhay ang karamihan sa atin.  Iba’t ibang kuwento sa iba’t ibang buhay sa iba’t ibang panahon.  Hindi naiiba ang kuwento ng aking Lola.

At sa Bibliya naman ay nakasulat ang mga lolang nanalangin, nagpalaki, nagpatnubay at nagmahal sa mga apo nilang mga haligi ng ating pananampalata at kasaysayan.  Si Sarah ang Lola ni Jacob, na tinawag na Israel.  Si Rebecca naman ang lola ni Jose, na ipinagkulo ng kanyang mga nakatatandang kapatid at itinapon sa Ehipto.  Si Ruth ang lola ni Haring David.  At sino nga ba ang hindi nakakaalala sa lola ng ating Panginoong Hesus?  Siya ang madasaling si Santa Ana.  Iisa lang ang lolang binanggit sa Bagong Tipan.  Lois ang kanyang pangalan at lola siya ni Timoteo.

Lola man nang kalaunan sila Sarah, Rebecca, Ruth, Ana at Lois, nagsimula muna sila sa pagiging isang Nanay.

May mga Nanay na bumuwis ng buhay upang ang mga anak nila ay mabuhay.  Sa ibang paraan binuwis na iyan ni Lola.  May mga Nanay na gumapang sa hirap at itinago ang mga pawis at luha upang ang mga anak lamang ay makaranas ng ligaya at tuwa.  Hindi riyan naiiba si Lola.  At may mga Nanay rin na nasaksihan ang libing at burol ng mga anak, na sa kanilang sinapupunan nagmula.  Sa mga paglisang iyan, puso ang bumigay at kumupkop sa nagpapaalam na kamay ng isang ina.
  Tatlong anak na ang ilinibing ni Lola.

Wala nang silbi sa ngayon ang mga kamay niya.  Hindi na niya kayang gamitin sa paglinis, pagluto, paglaba, pagtahi, pagturo at pagpatawa.  Saksi ang mga kamay na humugis at humubog, lumikha sa paglago, tumulong at tumaguyod, karapat dapat lamang na ang tanging hibla sa pag-agos ng buhay ay tangan ito ng isang anak o apo, magmano at magpasalamat.

Walang ikakasukat sa pagmamahal dahil palagi itong may karugtong.  Walang ikakarugtong pa sa pagmamahal dahil wala itong dulo.  At walang hangganan ang pag-ibig, dahil higit pa ang pag-ibig sa anumang hangganan.

Sa lahat nang ito, magandang sariwain ang alaala ng mga ugatin at patpating kamay ni Lola.  Tulad ng aking Nanay, siya rin ay nagdugtong ng buhay nang siya ay tumugon sa tinig at tibok ng pusong walang tigil sa paghumpay, tanging isinasaad sa mga anak ang kanyang pag-ibig at ang kanyang pagmamahal.

4 September 2012

No comments: