Yun Lang


Maikli lang itong nais kong iparating.  Mga tapat na nilalaman ng aking damdamin.  Nagkakapit bisig ang mga salitang madalas kong kasama sa panulat—mga kaibigan kong sila Hay Naku, Kung Maaari nga Lamang at Sana Naman.  Nagpapahiwatig ng pagkakaisa’t hindi hiwalayan.  Binibigyang tuldok ng Yun Lang.

Simulan natin sa umpisa.

Hay naku!  Nakakatuwa nga naman ang buhay.  Nangungulila lamang tayo kapag wala na.  Nalulungkot lamang kapag wala na.  Hahanapin ang dati’y kasa-kasama, babanggitin ang pangalang sukat na pinakawalan ang saysay at kahulugan.

Sanlaksang buntong hininga naman ito na kakambal ang sanlibong hinaing ng panghihinayang. Walang araw na lumipas na hindi kita naalala. Walang umagang nagisnan na sa panaginip ay hindi kita nakapiling. At walang gabing hindi humantong sa pag-asang makakasama kang muli.  Hay naku!

Kung alam mo lamang na hanggang ngayon mahal pa rin kita, hindi mo ako tatalikuran.  Kung alam mo lamang na hanggang sa ngayon ikaw pa rin ang laman ng aking isipan, hindi mo ako iiwasan.  Kung alam mo lamang na hanggang ngayon ikaw pa rin ang itinitibok ng puso ko, hindi mo ako iiwanan.

Kung maaari nga lamang na balikan natin ang kahapon, mababatid mo na hindi ako nagpapapansin ilang puno ng santol man, mangga o niyog ang aking akyatin.  Kung maaari lamang na sulyapan nating muli ang pagbabakasali kong kumatok sa iyong pintuan, nagbabakasakaling  pasyalan ka sa iyong tahanan.  Kung maaari lamang na sariwain natin ang mga nakaraan noon, habol ang alaala ng iyong mukhang taglay ang pusong nakawala at nawawala.

Kung maaari nga lamang.

Sana naman, ipikit mo ang iyong mga mata at sa isang gunitang nagmamakaawa ako’y  iyong makita.  Sana naman masilayan mo ang isang nagmamahal sa iyo at lubos na nanghihinayang sa pagtimpi sa kanyang tunay na damdamin.  Sana naman mabatid mo rin sa iyong puso ang isang taong mahal na mahal ka kundi nga lang at kundi lang dahil sa, isang taong lubos na nagmamalasakit sa iyong pagtitiis at nagdaramdam sa iyong paghihinagpis hanggang sa ngayon..

Sana naman.

Wala na akong akong nanaisin pa kundi ang makita kang muli.  Wala na akong ligayang mimithiin pa kundi ang mga sandaling kasama ka.  Wala na akong mamahalin pa sa bawat sulok ng aking panaginip at sa bawat tawag pag-asang hatid ay liwanag. 

Wala ng iba, kundi ikaw.

Yun lang.



 2 July 2012







No comments: