Si Jessica at si Manny


Sa dalawang bagay mas kilala ang Pilipino sa anumang lupalop ng mundo.  

Hindi sa pagiging masipag at matiyaga.  May mga Pinoy rin na tamad at  madaling sumuko sa mga unos ng buhay.  Hindi sa pagiging palasimba at madasalin.  May mga Pinoy na rin ngayon na palaging nakatutok sa Facebook, Twitter at YouTube at walang oras sa Diyos.  May mga kababayan na rin natin ngayon na mas naniniwala pa sa Internet kaysa sinasabi sa Bibliya.  Hindi sa pagiging mainggitin o pintasera.  May mga Pinoy pa rin ngayon na natutuwa kung mas maunlad sa kanila ang kanilang kapitbahay at may mga Pinay pa rin ngayon na nasisiyahan kung mas matangos ang ilong ng kaibigan nila kaysa sa kanila. 

Dalawang pangalan lamang ang naging bukambibig ng bawat Pilipino sa mga panahong ito:  si Jessica at si Manny.   Hindi magkasingtaas o magkasinglapad.  Hindi magkaaway o magkalove team.  Hindi magkaibigan o magkagalitan. 

Si Jessica Sanchez ay pumangalawa kamakailan lamang sa American Idol.  Si Manny Pacquiao naman ay pumangalawa rin kamakailan lamang laban sa amerikanong si Bradley,  sa isang larong parang may isinaling pato sa sabungan na kung saan mga manok lamang ang magkakalaban.

Opo, kilalang magaling ang Pilipino sa larangan ng pag-awit at boksing.

Awit at pagkanta—matagal na nating alam at ginagawang pang-aliw, mga natatagong anting-anting, mga panglaban sa matinik na init at sa kadalasang bagyo.  Walang bahay na walang musikang napapakinggan—sa radio, TV o computer man.  Walang kalye na walang istambay na sumisipol sa mga seksing dumaraan o may hawak na lumang gitara habang tumatagay ng Ginebra.  Walang bayan na walang inuman na hindi tampok ang Karaoke o Videoke. 

Pabiritong awitin ang My Way.  Madaling kabisahin at isaulo.  Pasalamat na lamang kay Frank Sinatra at pinauso ito. Maraming namatay na dahil pinagtawanan habang kinakanta ito kaya nakitil ang hininga matapos awitin ang huling nota.  Marahil naging sintunado, o marahil iba ang napakinggan dahil sa punto at pananalita, at dito dinamay pati ang mga Bisaya.  May weh ang nasabi sa halip na My Way.  I ded et may weh o sa mga nakakarinig, ako namatay kumain sa daan.  Kaya hayun nasaksak na lamang.

Batay sa Bibliya ang pagkanta.  Gawain ito ng mga ninuno natin sa pananampalataya.  Ginawa rin nilang pang-aliw sa gitna ng kalungkutan matapos sakupin ng mga taga-Babylonia, matapos paghati-hatiin ang iba’t ibang tribo. 

Libro ng mga Salmo ang hitik ng awit.  Sa katunayan, ito rin ang larawang ipinapakita sa panahong tayo’y patay na.  Umaawit katabi ang mga anghel na may mga hawak na harpa.  Wala pa akong nakitang larawan ng mga anghel na nagtatambol.  Marahil hindi pa naituro ni San Pedro sa mga anghel kung paano magtambol.

Ngunit kung tutuusin, ginawa ng Maykapal ang mundo sa isang awitin.  Sa paglikha ng tao, mas minabuting pakinggan ang musika kaysa sa pananalita lamang.  Sa nais at ibig ni Adan na magkaroon ng kasama upang mabawasan ang kanyang kalungkutan, pihadong umaawit siya nang manalangin.  Kaya siya pinakinggan.  Hindi sa punto, hindi sa pananalita at hindi rin siya Bisaya.  Bahagi na rin ng ating pagsamba at pagsimba ang umawit ng mga kantang papuri, paghingi ng tawad, tulong at pagbigay ng pasasalamat.  Salamat sa musika at muli ay namutawi sa ating mga puso ang hibla at himaymay nito dahil kay Jessica.

Kung batay sa Banal na Aklat ang bawat awiting buhay, batay rin sa nakatatandang utos ang larong boksing.

Sa boksing lamang napapatunayan na mas maganda ang magbigay kaysa sa tumanggap.  Alam ito ni Manny.  Ayaw niyang tumanggap.  Mas nanaiisin pa niyang magbigay.   Kung mas matindi, kung mas matindi, kung mas malakas, kung mas nakakapigil hininga, mas mabuti at tapos kaagad ang laban.

Dahil maharlika ang nananalaytay sa ating mga ugat, kayumangging kulay ang balat at medyo pango ang ating mga ilong, angkop sa ating mga Pilipino ang boksing.  Kokonti lang ang kailangang kagamitan sa pag-ensayo: gloves lamang at isang sako ng buhangin.  Isang tao lang ang maaring ka-sparring.  Dahil kung dalawa o tatlo na, hindi na iyan boksing, tawag na niyan ay rambulan.

Laro lamang ang boksing.  Ayaw ng Maykapal na saktan natin ang isa't isa.  Ayaw ng Maykapal na magsuntukan tayo sa dahilang nagbibigayan tayo.  Si Manny lamang ang makakapagdahilan niyan.  Dahil siya ang boksingero, hindi tayo.

Mas mabuti pa ang kumanta tulad ni Jessica.  Wagi sa puso ng bawat Pilipino kahit na pumangalawa. Tulad din ni Manny.  Panalo sa puso ng bawat tao kahit na parang sa sabungan ang nanalo ay isang pato.

24 July 2012

No comments: