Pangalan

Jose ang pangalan ng Tatay niya. Lino naman ang pangalan ng Lolo niya. Ngunit sa di mawaring dahilan, Pedro ang ipinangalan sa kanya. Lolo ko siya. Pangalang Griyego ang Tatay ko--Horace at ako naman ang naging Amerikano—Peter James.

Ba’t ba dalawa ang ipinangalan sa akin, tanong ko noon. Sa sampung titik nahirapan ding isulat ng aking pudpod at indelibleng lapis, ang natirang alaala ng nakaraang halalan, ang aking apelyido’t pangalan. Kaya dahil medyo may katamaran, Peter na lang ang palagiang naisusulat. Sumabay na lang si James noong kalaunan.

Kapangalan ko raw siya sabi ng Lolo. At Jaime o Santiago naman ang paring nagbinyag sa akin. Sa kanilang dalawa daw galing ang pangalan kaya nagkaganoon. Mabuti na lang hindi Simforoso o Floserfino si Padre. O di kaya Gustavo o Canuto. Hindi naman sa ayaw ko sa mga pangalang ito. Pero, parang hindi bagay sa Peter.

Nagkataong ipinanganak ako ng Araw ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoon sa bundok ng Tabor. At ang Mabuting Balita sa araw na iyon ay sinambit ang tatlong matatalik na alagad ni Hesus—Pedro, Santiago at Juan. Kaya ganoon rin siguro. Pasalamat ako’t hindi na dinagdag si Juan. Talagang mapupudpod nito ang lapis ko.

Nonoy ang palayaw sa akin ng Nanay at Tatay. Bikol na salita na ibig sabihin ay maliit na batang lalaki. Manoy Nonoy naman ang tawag sa akin ng mga nakakabata, na kung isasalin naman sa wikang Ingles ay nakakalito ang kahulugan--matandang kapatid na maliit na batang lalaki. Mga kalaro kong babae tinatawag akong Petra. Hindi ko alintana. Marahil may mga alaga rin silang kabayo, malay ko.

Noong nasa tamang gulang na ako (kung sabagay, meron bang gulang na mali?) at napadpad sa Amerika, nakilala na lamang ako sa dalawang titik: PJ. Mas maige ito dahil madaling tandaan tulad ng pantulog ng mga kalalakihan.

Mas lalaking pakinggan ang Pedro. Tulad sa kaunaunahang Santo Papa ng Banal na Simbahan, tulad sa alagad na sinagot ang tawag ng Panginoon at asawa, mag-anak at pamamalakaya ay sukat na lang tinalikuran, tulad sa mangingisdang muntik ng malunod nang mawari ang pananampalatayang kulang na sa kailaliman ng dagat ay namasdan at tulad sa kasamang tapat ni Hesus na minsan ay natakot at nagsabing, 'Hindi ko Siya kilala' at sa pagtilaok ng tandang ay napaluha sa ginawang kasalanan.

Ang mga taong pangalan ay Pedro ay nagpapahiwatig ng tibay ng loob sa gitna ng kahinaan, lakas ng puso sa udyok ng katawan, batong buhay sa buhay ng kawalan.

Dalawa ang tinawag na Santiago sa labindalawang alagad ni Kristo. Ang Santiagong kasakasama niya ang isa sa mga anak ni Boanerges. Pikon at mapusok tulad rin ni Pedro. Madaling uminit ang ulo at nasaksihan ito nang minsan ay hinggin sa Panginoong padalhan ng kidlat ang isang bayang hindi sila tinanggap.

Masaya ako’t eto ang mga pangalan ko. Hindi ko babaguhin kahit na minsan ay nagkaroon ako ng pagkataon na magkaroon ng panibago. Babangon si Lolo sa kanyang himlayan kapag nalamang ang kaunaunahan niyang apo'y Kevin o Brandon na ang pangalan.

Kung nagkataon noon na nasunod ang nais ng Tatay na pagsamahin ang ngalan nila ng Nanay at siyang itawag sa akin, parang di ko mawari at madama sa panahon ngayon ang tunay na kahulugan na aking magigisnan. Horace si Tatay, Manuela si Nanay.

Tatawagin sana akong Horman. Mabuti na lamang nandoon si Lolo. At ako’y naging Pedro.

3 February 2012

No comments: