Ang Pamasko ni Aurelia

Nailathala na ang larawan mo sa Facebook. May isang lalaking nagmagandang loob na nagtanong sa akin kung maari raw na makunan niya akong nakatalikod. Kung iyan ang isa sa mga dahilan para makapiling kang muli, daglian akong pumayag. Nakalakip sa likod ng aking mumurahing daster ang flyer na nagsasabing nawawala ka. Nasaan ka nga ba, Luis?

Alam kong medyo ulyanin ka na. Kung minsan nga nalulungkot akong malamang wala ka ng nakikilala sa titig ng aking mga mata, sa tono ng aking tinig, sa alab ng aking pag-ibig. Nakakapaghinayang na isiping buhay ka nga at nasa tabi ko noong gabing huli kang makasama, ngunit parang wala ka naman sa aking piling.

Tig-isang pandesal lamang tayo noong umagang iyon. May itinira ka pa. Hindi ko malaman kung para sa akin o inilaan mo para sa iyo. Magmula nang mawala ka, itinago at kinupkop ko iyon sa pag-asang may babalikan ka pa, sa paniniwalang pandesal ang makakapag-alala sa iyo ng ating pagsasama.

Araw-araw kong ipinamamahagi ang iyong larawan, nagbabakasakaling may nakakita sa iyo o nakilala ka lamang. Sa mga gabing bumabalik ako sa ating tahanan at wala ka pa rin, tinitingnan ko ang kadiliman ng langit at pilit na hinihila ang panibagong umaga upang hanapin kang muli.

Isinaad ko sa aking sarili na hindi kita iiwan. Hindi ako susuko. Hahanap at hahanap ako ng dahilan at paraan upang ikaw ay makita at muling makasama. Wala sa akin ang hirap at pagod umulan man o umaraw, umambon man o uminit. Kalagayan mo lamang ang iniisip ko. Papaano ka sa biglaang pag-ulan at pag-ambon? Saan ka sisilong sa init ng araw at hikbi ng ulap?

Mahal kita noon pa man. Makailang pagkakataon na rin tayong pinaghiwalay ng masaklap na panahon at makailang beses na rin tayong pinag-away ng makamundong suliranin ngunit nagsumikap pa rin tayong maging matuwid at marangal. Nagisnan natin ang tunay na kayamanan sa ating paghihirap. Ang ating pagmamalasakit at pag-aaruga sa isa’t isa ay nagbunga ng labis pa sa ating angkan.

Hahanapin at hahanapin kita, Luis. Sa parang, paaralan, pamilihan at pantalan. Sa riles ng tren, sa simbahang banal at sa mga pook ng kalakal. Hahanapin kita. Tulad din ng paghanap ng Panginoon sa iyo at sa akin. Magtago man tayo ng sapilitan ay hahanapin pa rin. Sa kailaliman man o sa kataastaasan, sa kadiliman man o sa kaliwanagan, naroon Siya. Hinahanap ang mahal niya. Tulad ng paghanap ko sa iyo.

Gusto kong maalala mo sa iyong paglisan, kung may maalala ka man, na narito lang ako para sa iyo, namamahagi ng larawan mo, naghahanap sa iyo. Hindi mo alam kung paano ako nag-aalala, kung gaanong hirap ang aking dinaanan makita ka lamang. Alam kong kahit hindi mo batid ay hindi mo ako kusang iiwan.

Hindi ako nasaktan dahil alam kong hindi mo ako sasaktan. Hindi ako iiyak dahil alam kong walang dahilan. At hindi rin ako titigil dahil alam kong wala rin ako sa iyong kawalan.

At tulad ng mga panalanging bigla na lamang ipinagkakaloob sa mga sandaling hindi inaasahan, may nakapagsabi sa aking nakita ka raw. Luis, ikaw na ba iyan?

Sa gitna ng mga kamerang nagtatala ng ating muling pagsasama bigla akong nakapagsaad ng Salamat. Salamat sa mga taong tumulong sa paghanap sa iyo. Salamat sa kanila na biyayang bigay ng Panginoon. Salamat sa mga taong muling nagpakita ng kabutihan at kasayahan.

At ano naman ang sabi mo? Wala kang nalalaman. Wala kang alam. Ang namutawi lamang sa labi mo ay Amen. Ulyanin ka na nga. Luis, ikaw ang Pasko ng buhay ko.

Siya nawa.

29 November 2011

No comments: