Pinaka


Hindi siya magaling kumanta tulad ni Charice.  Hindi rin siya magaling sa boksing tulad ni Manny.  At hindi rin siya magaling sa mga katangiang likas at bukod sa mga Pilipino. Ngunit pangalan niya’y nakaukit na sa pahina ng mga aklat, anyo niya'y nakita na sa tabing ng telebisyon at internet.

Siya si Junrey Balawing.  Pinoy na nagkamit ng parangal maliban sa mga iginagawad ng pamahalaan, sining, paglingkod at pananampalataya.  Pinoy na nakilala hindi sa kanyang angking talino, sigla o pananalita.  Pinoy na nasaksihan ng karamihan dahil wala nang hihigit pa sa kanya.

Hindi dahil sa siya’y payak at mataba.  Hindi dahil sa siya’y napapaiyak at napapaluha sa tuwing makakita ng mga taong katawan ay mahahaba.    Kundi dahil sa siya’y pandak at mababa.

Sa mga taong hindi hiyang sa Star Margarine, sa mga taong mga unano marahil ang mga ninuno at sa mga bonsai ipinaglihi, sa mga taong talampakan lamang ang bilang, siya na yata ang pinaka sa mga pinaka.

M
a
b
a
b
a.

Wala ng hihigit pa.  Wala ng lalampas pa.  Sukdulan na. 

Ngunit katulad nating lahat, may aral sa kuwento niya, may dahilan sa buhay niya, at may pangako sa kinabukasan niya.  Hindi dahil sa mababa siya, wala ng pag-asa.  Hindi dahil sa mababa siya, wala ng bukas. At hindi dahil sa mababa siya, wala ng buhay.

Dahil tao pa rin siya tulad natin.  Ginawa at nililok ng Panginoon sa kanyang isipan. Minahal at niligtas ng Diyos sa kanyang kahirapan. Inangking banal ng Diyos sa kanyang  katauhan.

Ang pagiging pandak ay isang katotohanan na sa maliliit na bagay nagsisimula ang anumang taas na kahihinatnan.  Ang pagiging pandak ay isang katunayan na lahat tayong ginawa ng Diyos ay may karapatang hinahawakan.  Ang pagiging pandak ay isang kaganapan ng mundong patuloy na hinuhubog at inaalagaan ng Maykapal.

Kaya ito ang ginawang aral ni Santo Tomas upang patunayang mayroong Diyos.  Sa mga taong labis ang pag-aalinlangan sa gitna ng kasamaan at kasinungalingan, sa mga taong labis ang pag-aatubili sa gitna ng kahirapan at kadiliman, sa mga taong labis ang pag-aagam-agam sa gitna ng luha’t dalita, sinulat niya na ang mga sumusunod na salita.

Kung may maganda man, mas may maganda sa pinakamaganda pa man.  Kung may malakas man, mas may malakas sa pinakamalakas pa man.  At kung may mabait, mas may mabait sa pinakamabait pa man.

Wala ng hihigit pa sa  Diyos.  Sa Kanya ang katapusan.  Wala ng lalampas pa sa Diyos.  Sa Kanya ang hangganan.  Sukdulan na ang Diyos.  Sa kanya ang simulain ng lahat ng kabaitan, lakas at kagandahan.

Kahangahanga si Junrey.  Dahil sa kanya nalaman nating muli kung paano ang mabuhay na naiiba sa karamihan.  Dahil sa kanya nabatid nating muli ang pagkakaiba ng ating mga katangian.  Dahil sa kanya naniwala tayong muli na may Panginoon.

Pinakamatangkad sa lahat na mga matangkad.  Pinakamababa sa lahat na mga mababa.  Ang Panginoon nating lahat.

27 July 2011

No comments: