Panaghoy

Parang napakadaling sabihin na nandiyan kayo para sa akin pero mahirap tanggapin na wala na siya. Parang napakasayang pakinggan na hindi ako mag-iisa ngunit malungkot tanggapin na hindi ko na siya makakasama. Parang nakakatuwang pagmasdan na nandiyan kayo sa tabi ko sa aking pighati pero mahapding akuin na ang paglisan niya ang dahilan ng mga luha ko.

Malungkot mawalan ng mahal sa buhay. Masakit tanggapin na walang kinabukasang kasama siya. Mahirap mawalan ng anak.

Parang hindi tama na ako na siyang magulang ang maghatid sa kanya sa hukay. Parang hindi tama na ako na nag-aruga simulang siya ay magkamalay sa libingan niya ako mismo ang mag-alay. Parang hindi tama na akong mas matanda ang siyang maghandog ng isang mapait na gunita.

Sino ba ang magaakalang sa lahat ng kanyang mga tagumpay, kasiyahan at kagalakan ay may nakaambang sakuna, pangitain at pagluksa? Sino ba ang magaaakalang sa kabila ng lahat ng ngiti, tuwa at saya ay may katapat na dalamhati, luha at dalita? Sino ba ang magaakalang sa bawat hakbang niya tungo sa kanyang mga pangarap ay may kapalit na karimlang hiwaga?

Wala.

May mga sandaling narinig ko ang tinig niya. May mga araw na nagisnan ko ang mukha niya. May mga gabing naramdaman ko ang pagmamahal niya.

Sa mga sandaling iyon, ilang ulit akong napailing sa kawalan. Sa mga araw na iyon, ilang ulit akong kumurap sa katotohanan. Sa mga gabing iyon, ilang ulit akong tumingala sa kalangitan.

Bakit? tanong ko. Bakit nangyari sa atin ito? tanong kong muli. Bakit siya pa at hindi na lang ako?

Tulad ng iba't ibang karanasan na mahirap ipaliwanag, ang paglisan niya ay mananatiling tanong sa aking isipan. Tulad ng iba't ibang tanong na mahirap sagutin, ang pagyao niya ay mananatiling puwang sa aking damdamin. At tulad ng iba't ibang puwang na mahirap punuin, ang pagpaalam niya ay mananatiling tanong na parang ikinukubli ng nakapintong hiwaga.

Taon marahil ang lilipas bago ko matanggap na wala na siya sa takipsilim ng buhay ko. Taon marahil ang lilipas bago ko matanto na walang katapusan ang kalungkutang dala nito. Taon marahil ang lilipas bago ko malaman ang mga kasagutan sa mga tanong ko.

Wala na akong maitanong pa. Sa ngayon natagpuan ko ang sagot na nakaugat sa pananampalatayang nalalaman ko.

Ang kasagutan ay nakasalalay pa rin sa Panginoong minsan rin ay lumuha't nagtanong. Ang kasagutan ay isinalaysay na rin ng Panginoong buhay kahit sa kawalan at kadiliman. Ang kasagutan ay nasa Panginoong minahal niya, mahal ko at palagiang mahal tayo.

Palagay ko, ito rin ang sagot sa paglisan niya. Palagay ko, ito rin ang ipinahahatid niya. At palagay ko, ito rin ang nais niya.

17 April 2011

No comments: