Isang Hapong Nawala ang Lahat na Luha

Tama ba ang ginawa ko? Ang sabihin sa iyong mahal kita sa kabila at paglipas ng panahon, ang magtapat sa iyong ikaw lamang ang minahal at patuloy na hahanapin sa pagsalubong ng bukas, ang mangako sa iyong ikaw lamang ang mamahalin at pananabikan sa buhay na walang hanggan.

Hindi kinakailangang narito ako at nagsusumamo sa iyong kasagutan. Hindi kinakailangang malaman mong narito lang ako kung ako man ay kailangan. Hindi kinakailangang mabatid mong pagkalinga ko ay nasa paligid mo lamang.

Ngunit nararapat.

Dahil ang pagmamahal ko sa iyo ay malawak, mapagbigay at matapat. Dahil ang pagmamalasakit ko sa iyo ay totoo, tama at tunay. Dahil ang pag-ibig ko sa iyo ay matatag, mapagpaubaya at nagbibigay buhay.

Tinawagan kita noon. Tinanong kung ano ang ginagawa mo at gagawin dahil mahal kita at mahalaga ka sa akin. Hindi ka sumagot. Marahil nagtatago ka’t nahihiya. Marahil ayaw mo akong makita o alam mong nagkamali ka. Hanggang marinig ng puso ko ang katanungan mo, “Ako ba ang dapat managot? Ako ba ang dapat kumupko’t kumalinga sa taong mahal mo at kapatid ko?”

Abel ang pangalan ng taong hinahanap ko. Si Abel ang kapatid mo. At sinundan pa siya ng daan-daan at libu-libong Abel pa na itinakwil, tinalikuran at itinabi na lamang sa pagdaloy ng buhangin ng kasaysayan. Marami sa kanila ang mga tagapagsalita ko. Marami sa kanila ang sumunod sa mga habilin ko. At marami sa kanila ang nawalan ng buhay dahil pinakinggan nila ako.

Hanggang ipaubaya ko ang aking kaisa-isang Anak. Walang mangyayari sa Kanya dahil siya’y anak ko. Bibigyan siya ng galang at pag-unawa. Hindi siya maihahalintulad sa mga ipinadala kong pawang nawala. Mamahalin siya nila. At dahil sa Kanya’y mababatid nila ang aking labis na pag-ibig at pagmamahal.

At isang hapong hindi lumitaw ang araw sa takot na masaksihan ang isang malagim na pangyayari, isang araw na umukit sa halaga at kasaysayan ng mundo, isang kahapong nagbigay ng liwanag sa kadiliman ng kasalanan, nagkatotoo ang pinangambahan ng karamihan. Inangkin nila ang buhay ng aking Anak na nagpatunay sa kanila kung ano ang buhay.

Walang kamalian sa nangyari, maliban sa kasalanang naiwasto, nagawa at nawala. Walang kamaliang naganap, maliban sa katotohonang nalaman, sa daang natagpuan at sa buhay na walang kamatayan.

Isang hapong parang nawala ang lahat na luha sa sinapupunan ng lupa, naging tama ang lahat na kamalian.

22 April 2011

No comments: