Kung Bakit Nakayakap Ang Bata sa Elepante

Kupas na ang dating napakaitim na Chinese shoes na kakulay ng buhok mo. Binili ko pa kay Galarosa. Imported dahil Made in China. Patpat na ang dulo nito taglay ng libu libong oras na nakatiklop habang nananalangin sa harap ng pag-asang hindi ko mawari kung akin. Naghihikahos na ito na parang nabigatan sa sangkaterbang timbang, naging uhugin, sipunin at sakitin. Ngunit wala akong magawa dahil ito lang ang kaya kong arugain at ampunin.

Sa mga panahong ito na ang mga tinig at tunog lamang ni Ate Siony ang napapakingan, sa mga sandaling ito na mga huni at sipol ng mga ibon lamang ang naririnig at sa mga oras na ito na panaghoy at himutok lamang ang nararanasan, hinanap kita. Nasaan ka na ba? Bahagi pa ba ako ng buhay mo? Tayo pa ba?

Naglaho ka na lamang na parang natunaw na halohalo, parang sabong panlaba na sa bula ay kasamang nawala ang mantsa, parang anino na nasinagan ng bagong umaga.

Kung sabagay, paano mo nga naman malalaman na hinahanap kita sa mga panahong iyon? Kahit mga kaibigan mo’y walang kaalam-alam sa nararamdaman ko. Wala rin akong kaalaman kong sa damdamin ay magkaisa tayo.

Tangan ko lang ang katiting na alaalang bigay mo. Hawak ko lang ang bahagyang ngiting buhay sa isipan ko. Taglay ko lang ang mga sandaling naging tayo sa panaginip ko.

Ngunit natagpuan kita sa kadiliman ng gabi. Nahihiyang nagtago noon ang mga bituin at hinayaang magparangya ang mga ulap. Narinig ko ang tinig mo sa dagliang hulog ng ulan, nakikiisa sa daloy ng mga luhang nagpapaligsahan, naglalambing sa bawat patak at tilamsik sa lupang ang larawan mo ang tanging laman.

Hindi ko malaman ang gagawin. Marahil nalito na sa dilim ang isipan ko. Marahil sira na ang tuktok ko. Marahil may eng-eng na ang pagitan ng tenga ko. Pero, totoo ito. Narinig ko pa ang sinabi mo.

Ang sinumang nais umawit ay palaging nakakahanap ng tunog at himig. Ang sinumang nais tumula ay palaging nakakahanap ng titik at salita. Ang sinumang nais sumayaw ay palaging nakakakuha ng kumpas at indak.

Kayakap ko noon ang elepante.

15 March 2011

No comments: