Im Bi Pi: Hay Naku 3

Matagal ko nang kabisado. Halos ilang beses ko ng inensayo. Saulado ko na. Tatanungin ko siya ng ganito, “Pulis ba ang tatay mo?” At sasagot siyang hindi. Tapos sasabihin kong “Kasi nabihag mo ang puso ko!” O di kaya’y “Bosing ba kita?” At sasagot siyang hindi. Tapos sasabihin ko namang, “Kasi inaalipin mo ang damdamin ko.” At panghuli, “Masasabi mo bang bobo ako kung ikaw lamang ang laman ng utak ko?”

Marahil hindi na niya sasagutin ito. Mapapasigaw na lang siya at sasabihing, “Ang kurneh mo.” At tatakpan ko ang mukha ko’t baka kalmutin pa. Ililihis ang pisngi ko’t baka sampalin pa. Itatago ang buhok ko’t baka sabunutan pa.

Pero, di bale. Alam ko namang siya ang Im Bi Pi ng buhay ko. Im as in Most. Bi as in Valuable. Pi as in Person.

Ewan ko nga ba kung sino ang nagpauso ng mga initials na ito. Kapag nakatingin ako noon sa Panginoong Hesus sa krus, akala ko ang palayaw niya ay INRI. Sabi ng kalaro ko, pangalan daw ng nagbigay ng imahen. Kapampangan daw na ang pangalan ay Henry. Naniwala naman ako. Hanggang malaman kong ang kahulugan pala ay I as in Iesus, N as in Nazareth, R as in Rex, at I as in Iudaeurum. Hesus na taga Nazaret na Hari ng mga Judio.

Malapit ang bahay namin sa libingan. At kapag Araw ng mga Patay, marami akong nakikitang mga initials sa lapida. SLN, RIP at DOM. Isip ko noon, kapag SLN, marahil pinatay as in SLAIN. Kapag RIP naman, marahil pinamamalitang taga Pilipinas siya, as in RP. At nakakatuwa ang DOM. Akala ko D as in Don’t, O as in Open, M as in Me. Ba’t naman ganoon at ayaw magpabukas ng puntod, tanong ko sa sarili. May itinatago ba ang patay na ito? Nahihiya ba siya at medyo masangsang na ang kanyang amoy kapag binuksan ang kanyang libingan? Kung sabagay kung nakahiga ka nga ng ilang taon na walang paligo at hilamos, talagang mangangamoy ka. Kaya siguro, ayaw magpabukas.

Nalaman ko na lang na Latin pala ang DOM. D as in Deo, O as in Optimo at M as in Maximo. Na ang ibig sabihin ay sa Diyos ang lahat ng marangal, magaling at nararapat. Paalala siguro ng namatay na nais niyang maging ganoon. Ingles naman ang RIP. R as in Rest, I as in In at P as in Peace. Pwede ring Latin. Requiescat in Pace, pero pareho din ang kahulugan. Na panalanging humimlay ang namatay sa kapayapaan. At tagalog naman ang SLN. S as in Suma, L as in Langit at N as in Nawa. Ito ang pinakamadaling tandaan. Kung anong bigkas, siya ring baybay.

Pero balik tayo kay Imbipi. Ilang taon at dekada ko siyang hinanap. Wala pang Google noon. Tanong tanong lang. At iyong mga tinatanong ko naman ay walang kaalaman kung nasaan siya. Nagkaugnay ulit ang aming landas sa pamamagitan ng Pisbuk. Pasalamat ko kay Zuckerberg. Pero, hindi ko na siya masasabihan ng mga sinaulo ko noon. Iba na ang panahon. Nailibing na ang kupas kong itim na Chinese shoes. Iba na ang buhay.

Umaasa akong alam niya ang saloobin ko noon. Ewan ko nga ba kung hinanap niya rin ako. Marahil hindi. Baka inisip na talagang napakacorny ko. As in kasingdilaw ng ititindang mais sa lansangan. As in malagkit pa sa isinahog sa Maja Blanca. As in malutong pa sa popcorn.

Kung nagkataon lang na nakapiling ko siyang muli, marahil aagos ang sangkaterbang mais na naman sa aming pagitan. Sasabihin ko sa kanyang, “Para kang retratista, tuwing nakikita kita, napapangiti ako.” O di kaya’y “Dalawang beses lang naman kita gustong makasama” at kakantahin ko ang Now and Forever ng Air Supply. At saka isa pa, “Di mo pa nga ako binabatao, tinatamaan na ako sa iyo.”

Hay naku! Pangatlong hay naku na yata ito. Habang hawak ko ang konting alaala niya, kapirangot na palatandaang kasama ko siya, katiting na piraso ng pagmamahal ko sa kanya, mananatili siyang mamahaling bahaghari sa ulap ng aking isipan.

Si Imbipi.
 
26 February 2011

No comments: