Hay Naku 2 (ang awit ni Leonardo)

Ayaw ko nang ipikit ang aking mga mata nang masilayan kita. Ayaw ko nang ilibing sa limot ang mga panahong sana ay ikaw ang kasama. Ayaw ko nang isara at ipinid ng aking kahapon ang mga sandaling ang isinisigaw ay ngayon.

Ngunit bukas man ang mata, panahon at kahapon, masakit pa ring tanggapin na hindi kita kapiling, nakikita at nakakasama.

Sa larawan mong parang nagpapahiwatig ng damdaming di ko mawari, sa larawan mong palaisipan ang ngiting binitiwan, sa larawan mong hatid sa akin ang dagliang sulyap at walang kakurap kurap na titig, buntunghininga lamang ang narinig. Hay naku lamang ang nasambit.

Bakas man ay tama, panahon man may sadya, kahapon man ay laganap, wala pa rin. Wala ka sa tabi ko. Wala ka na kausap ko. Wala ka sa paningin ko.

Sabi na nga ba, hay naku na naman ang maririnig ng tenga ko. Iyon kung may tinig pang lumabas sa bibig na diniligan ng luha ko. Sabi na nga ba, hay naku na naman ang pipiglas sa mga labi ko. Iyon kung may lakas loob pa ang damdamin sa dalamhating kapiling ko.

Paano nagkaganito? Dahil ba minsan ay naging pipi ang madaldalin kong saloobin? Dahil ba minsan ay biglang nabura ang mga salitang matagal nang isinaulo nang bigla mo akong kausapin? Dahil ba minsan ay gumawa tayo ng magkaibang landas na ngayon ay aking pinipilit na dugtungin?

Hay naku! Wala ng kawala ang nagpupumiglas kong panghihinayang. Hay naku! Wala ng tagumpay ang nagbabadyang pagsasama. Hay naku! Wala ng saysay ang naghihikahos kong pagmamahal.

Kung sabagay, sino nga ba naman ako para palamutian ang puso mo? Sino nga ba naman ako para tuparin ang mga pangarap mo? Sino nga ba naman ako para sagutin at pasyahan ang kinabukasan mo?

Isang manlililok na alam ang kahahantungan mo. Isang mangingibig na batid ang kasiyahan mo. Isang katipan na ramdam ang kahihinatnan mo.

Monalisa. Sino ka nga ba?

24 January 2011

No comments: