Consuelo

Hindi ko naman talaga siya Lola dahil pihikan ang Kastilang dugo na nananalytay sa aking mga ugat. Hindi naman siya talagang Lola dahil wala siyang anak at malayong ako ay mapagkamalan niyang apo.  At hindi siya lola dahil sa puso niya ang isang ina, tiyahin marahil at kapatid.

Siya si Lola Consuelo.  Nakilala ko sa isang pagamutan sa Maynila. Matagal na siyang nakatira roon. Hindi lang araw at buwan, kundi taon.  Kilala na siya marahil ng lahat: tagalinis na may walis at madreng may belong matulis, bantay na may baril at bantay na wala, mangagamot na may sadya at nars na nawawala. At kilala rin siya ng mga paring sa munting kapilya ng pagamutan araw araw ay nagmimisa.

Sa bawat araw at sa paglipas ng mga taong di na niya marahil binilang, ang kadalasang maririnig sa mga labi ni Lola ay ang pagtulong, pagmalasakit at pag-aruga sa mga taong inialay ang kanilang buhay sa Panginoong Diyos: ang kanyang mga madre at ang kanyang mga pari.  Inaari niyang sila ay kanya dahil sa bawat madre at sa bawat paring nakilala, turing na anak ang nakikita.

Iginuhit ng tadhana sa kanyang mga palad na siya ay di magkaroon ng anak na galing sa kanyang mga sariling ugat at dugo. At idinibuho rin ng Panginoon na siya ay magkaroon ng iba't ibang anak na galing sa kanyang adhikain at damdamin. Kasama na rito ang mga mangagamot at nars, tagabilang ng pera at pahinante sa opisina, tagalinis ng bahay at tagaluto sa kusina. Lahat sila kilala si Lola.  

Malaking pagpasensiya ang binigay niya sa mga taong nawalan man ng pera ay umasa pa rin sa kanya. Malaking pagtanggap ang iniukol niya sa mga taong kulang man sa panalangin ay hindi nawalan ng pag-asa. At napakalaking tulong ang binigay niya sa mga taong di man nawalan ng pera at pag-asa'y umasa pa rin sa Kanya. 

Pag-asa.  Di nga ba ito ang dahilan kung bakit sa kadiliman ng gabi ay inaaninag natin ang pusikit na liwanag? Pag-asa. Di nga ba ito ang dahilan kung bakit kahit duguan man ang ating mga palad sa patalim pa rin tayo kumakapit? Pag-asa. Di nga ba ito ang dahilan kung bakit libo-libogn taon man ang lumipas panindigan nating Diyos ang tanging ligtas ay di kailanman kukupas?

Kakambal ng pag-asa ang pananampalataya.

Pananampalataya ang dahilan kumbakit hanggang ngayon mahal natin ang isa't isa. Pananampalataya ang dahilan kumbakit mula pa noon alam nating mahal tayo ng Diyos na Kaisaisa. At pananampalataya ang dahilan kumbakit sa mga panahong bukas ay darating nararapat nating ipagpatuloy ang pagmamahal sa bawat isa.

Umiyak si Lola nang malamang paalis na ako papuntang Amerika. Wala na ako roon nang mawalan siya ng hininga.  Ang tanging nakita ko lamang ang larawan ng hantungan niya.

Ngunit sa puso at panulat ko ay manatili siyang alaala.  Isa siyang alaala ng pag-aruga at pagtitiwala, pagtulong at pagkawanggawa, pagbibigay at pag-unawa. Sa isip, sa diwa at sa gunita, isa siyang konsolasyon.

Si Lola Consuelo.
   
3 December 2010

No comments: