Luwalhati

Ang tawag namin sa kanya ay Auntie Glor, ngunit sa aming magkakapatid isa rin siyang Mama Glor.  Nakakatandang kapatid ng Nanay ko. Kasama, kagabay at kapanalig namin siya simula pa sa pagkabata.  Isa siyang huwarang kapatid nabatid ko sa Nanay.  Ang tawagin siyang mapagbigay, maunawain at matulungin ay kulang pang sabihin kung tunay na mabatid ang kanyang minahal na tungkulin.

Hindi ko makakalimutan ang panahong una akong nabigyan ng tanda sa aking napupusuang gawain.  May panibagong supling ang Nanay at hindi makadalo sa seremonyang kasuotan ko na sa bawat Misang dadaluhin ay magiging bago. Malungkot sa akin ang araw na iyon dahil alam kong walang makakasaksi sa tutuparin ko.

Hanggang makita ko siya pagkatapos ng Misa.  Napaluha pa nang makita niya akong nakasuot ng sutana. Marahil dahil sa awa, at hindi nasaksihan ng aking mga magulang.  Marahil sa tuwa, dahil pinapakinggan ko ang tinig at tawag ng Maykapal. At marahil din sa di mabilang na pagmamahal.

Nasaksihan kong muli ang kanyang pagiging pangalawang Nanay sa mga panahong nawalan kami ng Tatay. Binuksan niya ang kanyang tirahan sa aming magkakapatid upang makapagtapos lamang sa pag-aaral. Walang binibilang kung magkano at kailan. Bagkus ay pinupunuan pa ng sobra pa sa magkano at labis pa sa kailangan.

Maihahalintulad rin sa mga natutuhan ko sa Nanay ang mga natutuhan ko sa kanya.  Nariyan ang pag-unawa sa mga taong may kailangan, ang pagkalinga sa anak na lumilihis ng daan at ang pagtiwala sa Diyos na siyang Daan at kalingang Kailangan.

At maihahalintulad rin sa pagmamahal ng Diyos ang pagmamahal ng bawat nanay.  Walang paborito, ang lahat ay pantay.  Paborito lamang ang inuukulan ng matindi at masidhing pansin ang anak na kung minsan sa landas ng buhay ay nawawala, ang anak na kung minsan ang buhay na landas ay hindi natatagpuan.

Auntie Glor, malaking bahagi ka ng buhay at mga tagumpay namin.  At dahil sa iyo, sa Diyos kami ay muling nagbibigay luwalhati.

Tulad ng pangalan mo.  Gloria.

Luwalhati.   

5 November 2010

No comments: