Init


Aba, huwag naman po kayong ganyan, naisip ko. Masama ang binabalak ninyo. Ang magsunog ng Korean. Paano na lamang ang magiging katapusan niyan? O maaaring dahil sa gagawin at sisimulan ninyo, marahil may mga karugtong pa at mawawala ang katapusan ng anumang karahasan.

Paano na lamang ang mga dramang Koreano, ang Hwe Du Bap at Kimchi? Paano na lamang si Sandara Park, si Rain at si Kim Chiu? At paano na lamang ang bulgogi at ang mga malasang mga barbeque?

Hanggang malaman kong hindi naman pala Korean, kundi Koran. Koran ang susunugin, hindi Korean. Mali mali pala itong computer na dala ko. Kung sabagay Made in China, hindi Made in Korea.

Ngunit mali pa rin, Korean man o Koran. Tao man o mahal na aklat. Lipi man o pananampalataya. Mali at hindi tama ang pagsunog.

Apoy ang barkada ng mga taong mahilig sa mainit, o sa makulay na salita, impyerno. Sa impyerno, na kung saan walang Diyos, nandoon ang napakatinding apoy. Matindi pa sa lumalagablab at lumalabang Koreano. Matindi pa sa alab ng panlabang Koran.

Walang halo-halo, malamig na tubig, electric fan at airconditioner doon. Apoy at umaatikabong apoy lamang. Parang napakainit na oven na ginagawang tutong ang bawat piraso ng katawan, parang kainitan ng summer na hubarin mo man ang lahat at umasa sa saplot na lamang ay mainit pa rin at parang kanin na naisubo na at sabaw na nailunok na at di na kayang iluwa.

Hindi sinabi ng Panginoon na makakapunta sa langit ang magsunog ng aklat. Hindi sinabi ng Panginoon na bibigyan niya ng gantimpala ang sinumang gumawa ng apoy at sunugin ang anumang bagay. At hindi sinabi ng Panginoon na kamuhian natin ang isa’t isa.

Sinabi niya na dapat tayong magmahalan. Hindi lang major, major na magmahalan. Kundi over. Sinabi niya na di lang tayo dapat magloving-loving, kundi loving kahit may hating-hating. At sinabi niya na ang mga kasama niya sa langit ang mga taong gumagawa ng kabutihan lamang, hindi ang kasamaan.

Mabuti at hindi natuloy ang pagsunog, nalaman ko na lamang. Marahil nahimasmasan. Marahil may pinakinggan. Marahil binuhusan ng tubig. O marahil nakainom ng kaunting pampalamig.

Mahirap nga naman ang init. Hubad ka na at wala ng talop, mainit pa rin. Mabuti pa ang lamig. Sa suot na sangkaterbang sweater at jacket, nagkakaroon ng ginhawa at aliw.

Apoy? Gamitin sa tamang paraan. Sunog? Huwag naman. Bagyo man at lindol tanggap natin. Huwag lang masunugan, sabi ng karamihan. Impyerno? Mas lalong huwag roon.

Init doon.

11 September 2010

No comments: