Hay naku!

Ang kahapon. Masarap gunitain, mahirap balikan. Ang kahapon. Makahulugang alalahanin, mahapding talikuran. Ang kahapon. Madamdaming isipin, masaklap tanggapin.

Kasama ang ilang katagang ito sa text ko sa kanya.

Haaay naku! Huminahon ka, saad niya. Huwag na nating balikan ang kahapon. Masaya na ako ngayon, at tingin ko ay masaya ka na rin.

Wala naman tayong maituturing na kahapon, biglang sagot ko. Masasabi bang angkin natin ang kahapon kung tayo man ay nagkagustuhan noon? Masasabi bang taglay natin ang kahapon kung pagmamahal ko man ay sinuklian ng katiting na ngiti mo? Masasabi bang hawak natin ang kahapon kung kahit kalingkingan man lamang ng daliri mo'y di ko nahalikan, kung kahit hibla man lamang ng buhok mo’y di ko nahawakan at kung kahit labi mo’y di ko nahagkan?

Naitaga man sa bato ang mga salita ko’y sa tubig lamang isinulat ng mga daliri mo. Napagtanto ko at naunawaan. Magkaiba ang ating pananaw sa tawag ng panahon. Hindi maaaring supilin ang himutok ng damdamin kahit pa pumiglas ang sigaw ng kahapon.

Haaay naku! Totoo nga naman na ang ngayon nga ang katuparan ng kahapon. Haaay naku! Totoo nga naman na ang ngayon ang simula ng nagdaan. Haaay naku! Totoo nga naman na ang ngayon ang pangakong sinubaybayan ng ating magkaibang panahon.

Kaya nga magmula noon hanggang ngayon ang tinig at titig mo ay nakaukit na sa aking damdamin. Magmula noon hanggang ngayon ikaw at ikaw pa rin ang tinatawag ng aking mga panalangin. At magmula noon hanggang ngayon ang mithiin ko’y magkawangis mga puso natin.

Ang lahat ng ito ay dahil sa minahal kita ng aking kahapon. Ang lahat ng ito ay dahil mahal pa rin kita ng aking ngayon. At lahat na ito ay magkakatotoo dahil mamahalin kita sa aking bukas.

Kasama rin ito sa mga katagang binitiwan ng Panginoong Hesus. Walang panapanahon sa kanyang pag-alala, pag-aruga at pagkalinga. Mahal niya tayo kahapon, ngayon at bukas. Mahal niya tayo magpakailanman.

Sinabi Niya, “Ito ang aking pangako. Mamahalin kita hindi lamang sa panaghoy ng kahapon. Ito ang aking saloobin. Mamahalin kita hindi lamang sa pangamba ng ngayon. At ito ang aking susundin. Mamahalin kita hindi lamang sa panawagan ng bukas.”

Haaay naku! Ang kahapon nga naman. Parang bukas na aklat na iniwanan ng bukas. Haaay naku! Ang kahapon nga naman. Parang binuksan ng karanasang bakas ang bukas. Haaay naku! Ang kahapon nga naman.


7 July 2010

No comments: