Zarzuela

Matagal nang panahon ang nakalipas noong itanghal namin ang zarzuela sa aming lalawigan. Ikalabing daang taon ng pagkatatag ng Sorsogon at sinariwa namin ang isinulat ng isang taga roon. Ang pamagat: Pag-ibig sa Tinubuang Lupa at ako ang gumanap ng papel na Alfredo. Asawa niya si Conchita. Katulong nila si Teban at kalaban namin ang mga Kastila.

Dalawa ang nilikha kong kanta. Ang isa ay para kay Alfredo. Paalam at Pagmamahal naman ang pangalawa, awit na kaduweto niya si Conchita. Inihahabilin niya ang kanyang asawa dahil sasama siya sa himagsikan. Matagal rin ang panahong hindi sila magkikita. Kaya sumabay sa pagtulo ng luha ang bawat salitang binitiwan at ang bawat tunog ng kanta. Nakakatuwang isipin na maaari palang pagsabayin ang lahat ng iyon.

Ngunit mas maraming natuwa sa awit ni Teban. Huwag ninyong tuksuhin si Teban, wika niya. Dahil marami daw siyang alam. Dala ang walis bilang panangga at nakalilis ang pantalon bilang paghahanda, bumabatingaw ang boses niyang binigyang timbre ng pinaghirapang pawis at pinahirang dugo.

Halos isang dosena kaming mga kasali. Matagal din kaming nag-ensayo at naipalabas pa namin sa karatig na lalawigan. Tatlo ang naging direktor na kung sa atin-atin lamang, talagang nakapagtatakang isipin. Hindi naman kami mga batikan. At mas lalo namang hindi kami mga tulisan na dapat bantayan tulad ng zarzuelang ginagalawan.

Sa bawat umpisa ng pagtatanghal, may panalangin kaming isinasambit na lalong nagbubuklod ng aming samahan. At sa bawat eksena, may mga katauhan kaming isinasabit na nakakapagbigay buhay sa aming panalangin.

Napagtanto ko ngayon na maihahalintulad ang buhay sa isang zarzuela. Iba’t ibang tao sa iba’t ibang papel sa iba’t ibang tagpo ng iba’t ibang karanasan. Iba’t ibang galaw sa iba’t ibang kulay ng iba’t ibang dahilan sa iba’t ibang mundo. Iba’t ibang bilang sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang dibuho ng iba’t ibang daigdig.

Iisa lang ang nagbubuklod: ang katauhang umukit at humubog. Siya rin ang nagsulat at gumawa ng kuwento at ang musikero na naglapat ng tono. Masasabi ba nating Diyos lamang ang itinutukoy ko?

Marami pang Alfredo, Conchita at Teban sa mga panahong ito. Marami pang mga Kastila at himagsikan sa buhay na ito. Iba na siguro ang mga pangalan. Ngunit parepareho ang mga ginagalawan, isinasambit at isinasabit.

Ang buhay nga naman. Isang Zarzuela.

4 May 2010

No comments: