Sagot sa Tanong

Tuwing ako’y magkuwento tungkol sa aking paglaki, isang malaking katanungan ang nababanaag ko sa mga kabataan ngayon. Kasunod niyan ang kamanghaan. Hindi sila mag-aakalang nabuhay tayo sa mga panahong karaniwan lang ang mga laruan, walang ka-ek-ekan ang pagsasamahan at siopao at Coke lang ang lunas kung minsan sa tampuhan.

Kapag may lagnat ako noon, alam ko na ang nasa tabi ko: Tru-orange at Skyflakes. Para bang kakambal sila ng Medicol. Kung may sugat naman, Merthiolate ang lunas. Kasunod niyan ang Band-aid. At kapag magaling na at may peklat, Cebo de macho ang katapat. Akala ko nga noon, walang bakla sa Cebu. Lahat mga macho.

Sa loob ng limang taon, lima rin kaming magkakapatid. Para bang sa isang buntong hininga ng Nanay, isang panibagong kapatid ang nailuluwal. At sa mismong araw ng pagluwal, walang mangagamot na tutulong, ang manghihilot lang ang naroon. Anisado at sigarilyo lang ang bayad.

Maliban sa isang malakas na uha, alam kong may panibago na naman akong kalaro. Sa tabi ng Nanay ang isang hilaw na itlog na nabahinan ng asin. Pampalakas. Lampin ang magiging kaulayaw. Tikitiki ang magiging kagabay. Bakunang katakot takot sa unang taon ang magiging kalaban.

Masarap sariwain ang ganuong mga panahon. Bagyo, ulan at baha ang magiging mga dahilan upang walang pasok sa paaralan. Recess ang magiging mithiin para gamitin ang salaping katiting. At kung may Merry Making naman kapag kapaskuhan, isang platong pansit at CocaCola ang magiging baon. Kasabay nito ang karton ng Katol na binalot ng palamuti bilang pang-Exchange gift.

Ang sarap magpatintero lalo na kung kabilugan ng buwan, ang maglarong tumbang preso, habulan at taguan. Walang mga cellphone noon. Dalawang latang pinagdugtong ng lubid ang nagsisilbing telepono. Paos na paos ka na pakatapos ng usapan. At wala ring Guitar Hero. Ang alam ko lang tugtugin ay mga bote ng lapad ng Tanduay na nakabitin.

Ngunit napakasaya namin noon. Nakatingin lamang ang mga magulang hindi para makialam. At kapag nadapa’t nasugatan man, nahulog sa kahoy at napilayan, nabungi ang ngipin sa katakawan, ang sasabihin ng kalaro mo’y “Buti nga sa iyo!” Iyan pag may tampuhan kayo. Pag wala naman, ang tanong sa iyo ay, “Masakit ba?” At kasunod noon ay magbubulong sa iyo ng “Kelan ba tayo maglalarong muli?”

Ganito rin siguro ang dinaanan ng Panginoong Hesus sa bayan ng Nazaret. Marahil may mga kalaro din siya. Marahil nasugatan din siya. Marahil nagkapeklat din siya. Ewan ko nga lang kung mayroon din silang Merry Making noon. Kung sabagay, paano nga ba sila magbibigayan ng regalo kung kalaro na nila ang totoong regalo?

At ganito rin siguro ang kanyang mga alaala sa mga sandaling lupa ay lilisanin na niya. Marahil mayroon din siyang mga katanungan na mahirap sagutin. Marahil mayroon din siyang kamanghaan sa mga panahong dapat nawala ang anumang ka-ek-ekan. At marahil sa mga alaalang naging gunita na lamang, nasaksihan niya ang kagandahan ng kabutihan.

Sa mga pawis niya na naging dugo, natanglawan niya ang kasakiman ng kasamaan, ang lupit ng kadiliman, ang hinagpis ng kabutihan. At naging isang malaking katanungan ang lahat, “Bakit?”

Bakit may bahid ng putik ang kalinisan ng halamanan? Bakit may kahihiyan sa tagubiling binitiwan? Bakit may mga taong masama sa daigdig ng biyaya? Bakit parang walang gantimpala sa buhay na payapa? Bakit may kamatayan sa buhay na bigay? Bakit kinakailangang mamatay upang muling mabuhay?

Isang gabing balot ng dilim, bumangon siya at pinuntahan ang kanyang mga kaibigang si Pedro, Santiago at Juan. Samahan ninyo ako at pagbigyan, wika niya. Huwag kayong matulog. Dapat ninyong magisnan. Wala ng kamatayan. Wala ng putik. Wala ng kasakiman. Humayo tayo.

At Siya ang naging sagot sa lahat ng katanungan.

Ang Panginoong Hesus.

4 April 2010

No comments: