Yu Ay Lab

Hawak ko pa ang binigay mo. Halimuyak nitong kapirasong taglay matagal nang nawala at sa gunita na lang nahimlay. Patpat na ang ribbon at halos lupaypay na ang papel na kung saan nakasaad ang pangalan mo. Alaalang matagal nang inangkin, iniwasan, itinabi at isinaalang-alang.

Natatandaan ko pa ang hapong iyon. Pauwi na ako. Tapos na ang pagtitipon. Matagal na naman bago kita makita. Sa kalungkutang nadama ay nakadikit ang pag-asang magiging bahagi ka sa mga gabing pangalan mo ang sasambitin, sa mga panaginip na mukha mo lang ang hahanapin at sa mga araw na kasama ka sa mga bakas ng bukas natin.

Ayokong maging gunita ka lamang ng aking kahapon. Hindi maaaring maging gunita ang umukit na sa nataranta kong damdamin. Hindi maaaring maging kapirasong alaala ka na lamang ng naghihikahos kong kaisipan. At hindi maaaring maging kasa-kasama lamang kita sa mga panahong ako lamang ang nakakaalam ng katapusan, sa kaligayahang ako lamang ang nakakabatid ng hangganan.

Hanggang malaman kong nasa likuran kita pala. Dala ang pangako nating magpapalitan ng mga alaala. Dala ang susi na nagpapahiwatig na ako pala’y mahalaga. Dala ang palatandaan na parehas ang tingin natin sa bawat isa.

Walang katagang lumabas sa bibig kong ang tanging bukambibig lamang ay pangalan mo. Kung maaari nga lang na pigilan ang takbo ng orasan at sa habambuhay ganda mo ay masaksihan. Kung maaari nga lang na ipinid ko ang aking mga mata at sa bawat sulok ng buhay ko ikaw ang maging alaala. Kung maaari nga lang na masaksihan mo ang pagmamahal na sa puso ko’y nakabantay.

Ay lab yu. Wala ka na nang sambitin ko ito. Ay lab yu. Wala ka na nang sa kadiliman ng gabi ito ang naging sigaw ko. Ay lab yu. Wala ka na nang sa paglipas ng panahon ito ang naging panaghoy ko.

Sana naging mga luha na lamang ako ng mata mo nang sa pagtulo nito’y mahalikan ko ang mga labi mo. Ngunit hindi ko nanaisin na maging mga luha ka sa mata ko, dahil mawawala ka sa tuwing umiyak ako.

Maraming tulad ko ang dumaan na sa ganitong mga pag-alinlangan, pag-atubili, pagsisisi at panghihinayang. At maraming mga tulad ko ang daraan pa sa ganitong mga paghihinagpis, pag-aalala, at pagsasaalang-alang.

Ay lab yu. Madaling sabihin, mahirap gawin. Ay lab yu. Madalang sabihin sa hirap ng gawain. Ay lab yu. Palagiang sinasabi ng mas nakahihigit sa atin.

Ito ang palagiang sinasabi ng Panginoon sa atin. Sinasabing hindi natin naririnig dahil mayroon tayong pinapakinggang iba. Sinasabing ayaw natin marahil marinig dahil kinakailangang gawin natin ang sinasabi niya. Sinasabing dapat nating marinig dahil katotohanan ang nasasaloob niya.

Hindi Siya mawawala, madilim man ang gabi o lumipas man ang panahon. Hindi Siya mawawala, may halik man ang ating mga labi o may luha man ang ating mga mata. Hindi siya mawawala, dumaan man tayo sa iba’t ibang pag-alinlangan, pag-atubili, pagsisi at panghihinayang.

Ay lab yu. Katagang binitawan ng Diyos sa bawat taong gawa niya. Ay lab yu. Katagang nararapat bitawan at gawin ng bawat tao sa Diyos na gumawa sa kaniya. Ay lab yu. Mga salitang parating naririnig at dapat mapakinggan mahalimuyak man ang hangin o lupaypay ang alaala, madilim man ang gabi o maliwanag ang pag-asa.

Yu ay lab.

2 February 2010

No comments: