Barko


Hindi para sa akin ang mga luhang tumulo nang pumanaog ako sa barkong Eurodam, kundi para sa mga naiwang daan-daang mangagawa na sa buong araw at linggo ay nakatuon sa kanilang sangkaterbang gawain at tungkulin.

Iba’t ibang kwento ang narinig ko—kwento ng pangungulila, kuwento ng paghihikahos, kwento ng panibagong buhay, kwento ng pag-asang bukas sa bukas na pag-asa. Sa likod ng bawat ngiti, namasdan ko ang dalamhati. Sa likod ng bawat palamuti, napansin ko ang nakasilip na peklat. At sa likod ng bawat ligaya, nakita ko ang luksa.

Ngunit iba ang Pilipino.

Dahil sa impyerno lang yata walang Pinoy, magpahilaga man o timog, kanluran man o silangan, makikita mo ang nakangiting Pilipino. Masaya, palatawa, mapagbiro. Pili na, pino pa. Iyan ang maipagmamalaki natin. Pinili tayo upang mas lalong maging pino.

Pinili tayong magpalaganap ng Banal na Salita, ng Mabuting Balita, ng Pananampalataya. Pinili tayo at binigyan tayong kakaibang lakas upang maging banal, maging mabuti at maging tapat. Ito maari ang dahilan kumbakit kaya natin ang anumang bagyo, unos, lindol, sunog at sakuna. Ito maari ang dahilan kumbakit kaya nating pasanin ang anumang suliranin, sakit, lupit, pighati, hinagpis at luha.

Maihahalintulad ang simbahan sa isang barko. Iba’t ibang kwento. Iba’t ibang tao. Iba’t ibang dahilan. Iba’t ibang buhay.

Ang Simbahan ay hindi gawa ng tao matapos na siya ay mailigtas. Ito ay gawa ng Diyos upang ang tao ay iligtas. Hindi tayo maaaring iligtas na mag-isa. Kinakailangang makasama tayo sa Barko ng kaligtasan, ang Simbahan. Tulad din ng barkong ginawa ni Pareng Nowe, ito ay makakalusong sa anumang baha at makakaahon sa anumang alon.

Tatlo ang nararapat na gawin ng anumang barko. Una, kinakailangan nitong lumutang. Hindi ito matatawag na barko kung hindi ito nakalutang. Pangalawa, kinakailangang mithiin nito na huwag bumangga sa kaparehong barko. Kapag nagkataon, pareho silang lulubog, pareho silang talo. At pangatlo, kinakailangang makarating sa paroroonan ang barko. Ganap itong barko kung nakaalis ito sa pantalan at nakarating sa kanyang takdang kahihinatnan.

Tulad din ng tao. Na kinakailangang nakalutang sa anumang sakit, sakuna at suliranin. Tulad din ng tao. Na kinakailangang mithiin na huwag banggain ang kaparehong tao. At tulad din ng tao. Na kinakailangang makarating sa angkop na paroroonan—ang Panginoong Maykapal.

Mahirap magpaalam lalo na kung hindi mo narinig ang mga bagay na dapat mong napakinggan, ngunit batid ng puso mo na matagal mo na dapat itong nalaman. Mayroon ngang pagluluksa, dusa at luha, mayroon namang tuwa, ngiti at ligaya.

Naiiba nga tayong mga Pilipino. Pinili tayo at mas lalong pinipino pa. Lulan sa barkong naiiba. Ang barko ng kaligtasan. Ang barko ng pag-asa. Ang barko ng buhay.

4 January 2010

No comments: