Pisbuk


Hindi sukat akalaing makikita kong muli ang mukha niya. Mukhang kapiling sa mga sandaling hinahatak ng mabagal na panahon, mukhang kasama sa mga araw na walang nasisilipang liwanag, mukhang kagabay sa mga gabing umalingawngaw ang mga huni ng lamok na di napuksa ng kapirangot na Katol.

Facebook ang daliring nagturo sa akin. At sa tanglaw ng kanyang larawan, naalala ko ang mga panahong saksi sa kaligayahang dulot lamang niya. Suot ko noon ang itim na Chinese shoes na may punit sa dulo at pantalong napakaluwang na sa bawat hakbang ay hinahalukay at winawalisan ang mabatong kalsada.

Maraming nahuhumaling sa Facebook dahil maraming maaaring gawin dito. Maari mong ipaalam kung ano ang ginawa, ginagawa o gagawin mo. Dito pumapasok ang mga natutunan ko sa Balarilang Pilipino: ang banghayin ang Pangnagdaan, Pangkasalukuyan at Panghinaharap. Maari mo ring sulatan ang iyong kaibigan, o ipabatid sa buong mundo ang pinagusapan ninyo. At lalong lalo pa, alam ng mga kaibigan mo kung sino ang mga idinagdag mong kaibigan o kung sino ang mga malapit sa iyo.

Hindi lang iyan. Maari mo ring ipakita ang iyong mga larawan sa bahay, adhikain sa buhay, katanungan sa isipan at palaisipan sa katanungan. Maari mong ipaalam kung sino ang hinahangaan mo o kung sino ang humahanga sa iyo.

Maraming laruan din sa Facebook. Farmville ang pinakasikat sa ngayon. At tulad ng isang bukirin, may sari-saring tanim, hayop, at paraan ng pag-aani. Mayroon ding mga regalo kung minsan. Tupa, hayop, tanim at marami pang iba. Tao lang ang hindi maaring ipamigay. Parang katulad din nito ang Country Story. May mga bahay din, tanim at alagang hayop. Mayroon ding Café World. Maari kang magluto, maghanap ng panghalo, mag-alok ng kakain sa niluto at marami pang ibang gawin maliban sa tunay na pag-inom ng kape.

Mayroon ding Mafia War na nagpapakita ng iba’t ibang armas na mga pawing pamatay tao. Maari mong himukin ang kaibigan mo na maging kalaban, sapat na dahilan na alisin sa Facebook kung palagi kang talunan.

Maihahalintulad sa simbahan natin ang Facebook. Nagkakaibigan, may ugnayan, may iba’t ibang galaw. Nagpapabatid, nagpaparamdam, nakikiramdam. Nakikialam, nag-aalala, magkakakilala. At kung tutuusin, ang pinagkakaguluhan ng karamihan ngayon ay katulad din ng mga ginawa ng ating mga ninuno noon: ang magtanim, magkape, maghakot ng armas.

Sa lahat ng mga laruan at gawain sa Facebook, tulad din ng mga pangkaraniwang laruan at mga gawain natin, iisa lang ang puhunan--oras na mahalagang bigay, oras na dagliang lumilipas. Hindi naman masama kung mahumaling sa Facebook. Ang kailangan lang ay tamang pagitan at pagsasaayos ng nararapat.

Halimbawa, sa halip na taniman sa computer, maaaring taniman sa puso ng bawat isa. Sa halip na paglalagay ng update kung ano ang pangkasalukuyang gawa, maaaring update sa Diyos tungkol sa ating kawanggawa. Sa halip na nakatungaga sa harap ng computer, maaaring nakaharap sa Diyos, ang tunay na Facebook, dahil Siya ang dakilang Mukha. Ginawa niya tayo, ang kanyang mga dakilang aklat.

Dahil kung iisiping maige, ang buhay natin ay aklat Niya, ang mukha natin ay kawangis Niya.

Kung parehas lang nga ba ang panahong nailaan natin sa mga makabagong laruang ito at sa mga panahong laan natin sa Kanya, mababago ang mundo. Tulad din ng mga sandaling larawan niya ay nakita ko, naging kaibigan ko siyang muli at nabagong muli ang mundo ko.

Pisbuk. Mukha at Aklat. Tayo at Niya.

Wala ng ako.

25 November 2009

No comments: