Pag-ibig


Nangatog ang aking mga tuhod at parang namalat ang aking lalamunan, hindi ko malaman kung ako ay namutla o namula, natulala o natawa, basta naalala ko na nakatuon ako sa kagandahan niya. Napahinto ata noon ang lahat ng mga orasan. Tumigil sa pag-ikot ang mundo. At habang tinitigan ko ang kanyang mga mata, sa aking mga labi lumabas ang mga katagang ito, “Noong una kitang masilayan, natakot akong ika’y hawakan. Noong una kitang hawakan, natakot akong ika’y halikan. Noong una kitang halikan, natakot akong ika’y mahalin. At ngayong kita’y minahal, natatakot akong ika’y mawala at di na masilayan. “

Mga katagang napulot ko sa isang aklat. Mga katagang ilang ulit na sinaulo sa mga gabing mukha niya lang ang laman ng aking mga panaginip. Mga katagang nagpahiwatig ng kumakalabog kong puso at humihiyaw na damdamin.

Sabi nila, nakakatuwa daw ang pag-ibig. Nakakatuwa nga lalo na kung iniibig ka rin ng iyong napupusuan. Ngunit kung walang bahid ng kasagutan sa iyong mga karaniwang tanong, kung walang pagmalasakit sa iyong kaunting pagmakaawa, kung walang kibo sa iyong di mabilang na panaghoy, walang katuwaan sa pag-ibig. Hindi ito pag-ibig, kundi pagpakamatay.

Mahirap ang umibig. Mahirap ang magmahal. Ngunit mas mahirap magkunwaring walang minamahal. Mas mahirap ikubli ang pintig ng puso kapag kaharap na ang minamahal. At karaniwan ganito ang nangyayari. Maraming nagkukubli. Maraming nagkukunwari. Maraming nagbabalatkayo.

Kaya siguro malungkot tingnan ang mundo kahit na nagkalat ang di mabilang na kagandahan nito. Kaya siguro maraming naghihirap sa mundo kahit na di mabilang ang kayamanan nito. Kaya siguro maraming nawawalan ng pag-asa sa mundo kahit na di mawari ang liwanag ng kabutihan nito.

Kung talagang mahal mo ang isang tao, ipakita mo. Iyan ang dahilan kung bakit mabenta ang mga tsokolate, bulaklak, singsing at kung anu-ano pang nagpapahiwatig na mahalaga sa iyo ang isang tao.

Hindi lang bagay kundi oras din ang maaring ibigay. Oras na nakalaan para lang sa kanya. Oras na napapabilis ang takbo sa mga sandaling kapiling mo siya. Oras na mas mahalaga pa sa isang dakot na tsokolate, isang basket ng bulaklak, isang dosenang singsing.

Ipinakita ng Panginoong Hesus ang kanyang pagmamahal sa iba’t ibang pamamaraan, sa iba’t ibang bagay, sa iba’t ibang tao, at sa iba’t ibang gawain. Mahal niya ang tao, mahal niya tayo. Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal at pag-ibig ng labis pa sa libu-libong tsokolate, tone-toneladang bulaklak at milyon-milyong singsing.

Minarapat niyang manaog sa lupang gawa upang mabigyang saksi niya ang pagkawanggawa. Nanirahan siya sa bahay bata ng Kanyang Inang si Maria upang mabigyang panahon niya ang pagbibigay buhay ng bawat ina at amang likha niya. At sa kanyang kamatayan ay nadama ang kaganapan ng pag-ibig na kanyang inialay.

Mangatog man ang ating mga tuhod, mamalat man ang ating mga lalamunan, mamula man tayo o mamutla, matulala man o matawa, pilit pa rin ang panaghoy ng Panginoon sa kagandahang likha niya—ang taong binigyan niyan ng buhay, ang taong matagal at palagian niyang iniibig.

Nagkaroon ng tao dahil sa pag-ibig ng Diyos. Buhay ang supling ng pag-ibig. At sa bawat pag-iisang dibdib at pagtatalik, sa bawat pagsasama at pag-ugnay, sa bawat pagsiping at pagkakaisang katawan at katauhan, may nabubuong panibagong buhay.

Sa paglipas ng panahon at pagdami ng lahi, isang tawag lang ang namumutawi sa labi ng Dakilang Pag-ibig—na kinakailangan tayong magmahal at umibig.

Nakakatuwa man o hindi.


2 October 2009

No comments: