Pari


“May kabit ka ba, Pader, at may mga nakasabit na mga damit pambabae sa labas ng kumbento mo?” tanong ng isang ale sa paring ilang taon nang naglilingkod sa kanilang baryo. Sagot naman ng pari, “Alam mo po, Aleng Conching, mahirap ang buhay ngayon at mababa ang ating kolekta kaya tumatanggap na lang ako ng labada.”

Maraming kuwentong katatawanan na ang narinig natin tungkol sa simbahan at sa mga pari. Ngunit ang pagiging pari ay isang mahirap na tungkulin na hindi ukol sa karamihan.

Tulad rin ng pag-aasawa, hindi mahirap maging pari. Konting aral lang at sasamahan ng dasal, ayos na. Konting pakikisama lang at sasamahan ng simpleng ngiti, sapat na. Mas mahirap ang magpakapari.

Karaniwan sa isang lalake ang may katuwang na babae. Hindi ang pari. Masakit man ang tiyan o ngipin, nanghihina man ang tuhod o damdamin, kumakalabog man ang puso o mithiin, walang kabahagi ang pari. Dingding lang ng kanyang silid at unang minsan ay balot ng patak ng luha ang siyang mga saksi. Pamaypay na luma lang ang katuwang sa hanging hinahanap kung tag-init at tahi-tahing kumot ang kapanalig sa tabi kung taglamig.

Sa kadiliman ng gabi at sa panaghoy ng bawat umaga, ang paring tapat sa kanyang sumpa ay walang ibang kagabay kundi ang Panginoong nag-alay.

Malapit kalimitan ang tukso sa mga taong nagnanais maging banal. Mas maraming tukso ang umaalembong sa mga alagad na may tungkuling banal. At mas lalong kumakapit ang tukso sa mga taong bawal akitin: ang mga may-asawa na at ang pari.

Marami na tayong kilalang pari na natukso. At hindi lamang babae ang dahilan. Nariyan din ang pagkahumaling sa pera, sa tungkulin at sa mga bisyo. Nararapat lamang na ipanalangin sila. Walang misa kung walang pari. At hindi tayo mangangailangan ng pari kung walang misa.

Tumitingkad lalo ang katayuan ng pari kapag siya ay nagmimisa. Sa sutanang suot, iba ang tingin ng mga tao sa kanya. Iyan ang isa sa mga dahilan kumbakit marahil ay nabighani ang labandera, kantora, kusinera at iba pa sa isang paring kilala ko sa isang baryong kuliglig lang ang umaawit sa pagkagat ng dilim.

Pulis man o barangay tanod, piloto man o abogado, payaso man o pangulo, ang tingin ng tao ay nababago sa unipormeng suot, sa tindig na salamin ay tungkulin, pangako at bukas.

Kahit na nga ang Nanay lang niya ang makakapagsabing pogi siya, si Pader ay ganadong ganado magmisa dahil sa isip niya may hitsura siya. Nagkakaroon siya ng lakas na loob na umawit kahit na wala pang nakatuklas ng mga tonong kinakanta niya. Siya ang artista ng baryo, ang pinupuntahan kapag may problema, ang may angkop na sagot kapag may mahirap na katanungan. Ang nagagawa nga naman ng pagiging pari. Ang nagagawa nga naman ng Banal na Misa.

Ngunit kokonti ang nagnanais maging pari dahil ang pagiging pari ay isang pag-aalay. Mahirap mag-isa. Mahirap umuwi sa gabing walang makausap at makaulayaw. Mahirap maramdamang ang buhay na inihandog ay humahantong sa tanong ng bawat umaga.

Kaya, sa buhay ng isang pari ay nakahimlay ang katanungang palaging buhay—ang palaisipan at hamon ng Panginoong Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Ang katanungan ay walang pagbabago dahil ang dahilan ay nakabaon sa buhay na walang hanggan.

Mahirap mang banggitin, ayusin at himayin ang katanungang Diyos lang ang kasagutan, tanggap nating lahat na hindi lamang tayo naikabit muli sa Ama, ngunit sa Kanyang puso, sa Kanyang damdamin at sa Kanyang Buhay, naging bigkis tayong muli.

Ang lahat ng ito ay nangyari dahil sa isang Pari, ang Panginoong Hesus.





26 August 2009

No comments: