Peke


Maraming naloloko sa peke. Maraming nanloloko ng peke. Akala tunay, orig, walang sablay, totoo. Yon pala ginaya lang, gawa-gawa, mahinang klase, huwad. Makinang na parang ginto nang tingnan, tanso lang pala nang malaman.

Nagkalat ang mga peke--damit, pantalon, bag, sapatos, relo, pilikmata, ilong, hita, bilbil, labi. Nagkalat ang mga manloloko. Sila ang mga taong nagsasabing tutubo at tatabo ng gabundok na pera ang puhunang kusing. Sila ang mga taong naguudyok na may computer na makakamit sa bawat email na ipinadala. Sila ang mga taong mapagsamantala sa isipang payak at madaling maniwala’t magtiwala. At dahil sa kanila, maraming naloloko, maraming napepeke.

Kung maaari nga lang na kilatisin muna ang bawat hibla, himaymayin ang bawat tabing at suriin ang bawat ugat, mababawasan ang kalolokohan. Kung maaari nga lang na basahin ang maliliit na letra sa bawat kontrata, pakinggan ang hindi sinasaad sa bawat pangako, tantuin ang iniwang kwento sa bawat salaysay, mabibigyang lunas ang kakulangan sa kaisipan. At, kung maaari nga lang na pagmasdan ang bawat umaga, tangkilikin ang bawat kahapon at paghandaan ang bawat bukas, marahil dadalang ang kalapastangan.

Ito ang hatid ng bawat kasalanan: ang akalaing tunay, peke lang pala naman. Ito ang bulong ng bawat tukso: ang akalaing masarap, madaling gawin at walang makakaalam.

Katotohanan ang siyang magbubunyag sa pagtatago at pagkukunwari. Malalaman ang amoy, kulay, salita at katauhan sa damdaming hinubaran ng totoo’t tunay. Katotohanan ang siyang magbabaklas sa panunukso at aliwan. Mababatid ang sangsang, pagkukulang, anghang at pananamlay sa pagkataong tinuruan kung ano ang tama at kung ano ang nararapat.

Ang Panginoon ang Katotohanan. Ito ang totoo—na sa Kanya’y wala na tayong hahanapin pa. Na sa kanya’y hihimlay at matatapos ang lahat. Na sa Kanya’y nakalaan ang totoong tagumpay. Pera man o alahas, mamahaling gamit man o sasakyan, pagiging sikat man o tanyag, ang lahat ng ito’y nasa Kanya. At iyan ang katotohanan.

Si Hesus ang Katotohanan. Ito ang totoo—na Siya’y walang hahanapin pa, kundi tayong napariwara at nawala sa piling at tabi niya. Matalino man o mapurol ang isip, matayog man o mababa ang pangarap, malakas man o mahina ang damdamin, Siya ang dapat hanapin dahil Siya ang katotohanan.

Mahirap mapariwara sa katotohanan. Mahirap mawala sa tawag ng kabanalan.

Kung mangyari mang magkaganoon na tayo’y maloko sa kinang ng ginto, sa tukso ng laman at sa anyaya ng karimlan, masaklap isipin na mabuti pa ang mga baliw, may mga nakaambang kasagutan. At sa mga naloloko at napepeke naman, mahirap isaad ngunit wala pang naimbentong gamot sa katangahan.


2 June 2009

No comments: