Kasal

Overlooking the shores of Haifa, Israel
October 2008


Itatago natin siya sa pangalang Maria. Natatanging pangalan dahil pangalan ng Nanay ni Hesus. Naiibang pangalan dahil palaging nakabukod sa mga pangalang naiiba rin. Pangkaraniwang pangalan dahil karamihan sa kanila’y gamit ang Maria. Babae man o lalake.

Nakita ko siyang nagtatago. Parang nahihiyang magpakita. Parang nagtatampong di mawari. Parang nawawalang di maunawaan.

“Pssssssst,” panaghoy ng pito kong pilit kumawala. “Ano ang tawag sa iyo?” dagdag na tanong ko. Napangiti siya. Sa sulok ng kanyang kahiyaan at sariling sa daigdig ay balot ng tampuhan nabutas, nasagi, nailabas ang liwanag sa karimlan ng kanyang buhay.

Marami tayong kuwento ng tagpuan. Isa na nga itong naisaad ko sa inyo. Iba’t ibang kuwento ng tagumpay at pagmamahal. Iba’t ibang saysay ng pag-ibig, pagtitiwala at pagmamalasakit. Iba’t ibang hakbang tungo sa panibagong buhay at pagsasama.

Kasal ang tawag sa panimulang pagsasama at pagsasamang hantungan. Nagsimula ang iba sa pagkakaibigan, naging magkasintahan, at humantong sa altar ng pag-iisang dibdib.

Kung balibaliktarin natin ang salitang kasal, marami tayong mapupulot na salitang matutunan at mangagaling dito. Kasal, lakas, sakla, sakal, aklas, kalas, askal. Pitong salita na galing sa limang titik. Parehong bilang, iba’t ibang bigkas at baybay.

Una, ang salitang kasal kung baliktarin ay nagiging lakas. Sa kahinaan ng isa, nagkakaroon ng lakas kung dalawa. Isa ma’y di kayang palaganapin ang turo ng Diyos, dalawa nama’y angkop upang tuparin ang dakilang utos na humayo’t magpakarami. Hindi mabubuo ang tao kung isa lang. Nangangailangan ng pangalawa. Karamay, kahati, kapanalig, kaibigan, kaagabay, kawangis, kandungan, kasintahan at kalinga.

Pangalawa, ang salitang kasal kung baliktarin ay sakla. Isa itong sugal. Ito ang kamalian ng karamihan: ang isiping sugal lamang ang pagsasama. Na ito’y isang laro na maaaring tapusin kung sawa na. Na ito’y parang kanin na maaaring iluwa at isuka kung ayaw na.

Pangatlo, ang salitang kasal kung baliktarin ay sakal. Ito marahil ang naiisip ng karamihan. Na ang kanilang pagsasama’y isang uri ng pagsasakal ng kanilang kalayaan. At marami tayong alam na mga mag-asawang tulad nito. Pilit na pinapagyaman ang maralitang damdamin. Pilit dinidilig ang tuyot na saloobin.

Pang-apat, ang salitang kasal kung baliktarin ay kalas. Kapitbahay at karamay ng salitang ito ang salitang aklas. Pagkatapos na kumalas, umaaklas. Pagkatapos ng pagaklas, mahirap ng masilayan ang pagiging kasal.

At panghuli, ang salitang kasal kung binabaliktad ay nagiging askal. Hindi ito purong salitang Tagalog. Panglansangan ito. Askal, na ang ibig sabihin asong kalye. At malungkot isipin na karamihang ikinakasal, sa paglipas ng panahon, ay nagiging mga askal. Sa kanilang away, halos alam ng buong baranggay. Sa kanilang alitan, halos alam ng buong bayan.

Maraming lihim ang natatago sa bawat mag-asawang kasal. Sa kabila ng lahat ng pag-aagam-agam, pagdaramdam, pag-aatubili, pagtatanong at pagpapatunay, ang pagiging kasal pa rin ang mananatili at nanatiling bantayog at simula ng lipunan.

Tulad nang una kong makilala at matagpuan si Maria. Nagsimula ang lahat sa isang pito.


29 April 2009

No comments: