Kalamay

Basilica of Our Lady of the Pillar, Zaragoza, October 2007

Gamit niya ang boses tuwing umaga sa bawat umagang alay ng Panginoon. Nangangalampag, nangigising, nagpapagunita sa pagyakap ng bagong araw. Dala niya ang bilaong matagal nang kaanib, katunggali at kapiling. Angkin nito ang pagkaing iniaalok at pinagbibili: kalamay.

Sa panahong tapos na ang paghulma, paghanda at pagsariwa ng kalamay na sa kanya’y nagbibigay buhay, gamit niya ang parehong boses sa Plaza Trece Martires sa lunsod ng Naga tuwing dapithapon. Nangingising ng tulog na pananampalataya, nangangalampag ng tamad na pag-asa, nagpapagunita ng pagmamahal sa Diyos ng ligaya.

Dala niya kung minsan ang bibliyang luma’t gasgas na. Angkin nito ang salitang kalasag sa lahat ng kahinaan. Isang boses ang kung minsa’y nagtatalumpati’t nangingibabaw: boses ni Kalamay.

Kalamay ang naging bansag sa kanya dahil kalamay ang tinda niya. Sa apat na taong nag-aral ako sa Naga, nalaman ko’t nabadya ang siklab ng kanyang damdamin sa pagtuligsa ng kamalian at pagtanggol ng tama. Talo ang lahat na kumalaban sa kanya, Iglesya man o Sabadista, Protestante man o Katolikong kulang sa kaalaman.

Kung tutuusin, kulang ang kanyang pinag-aralan. Kung tutuusin, siya’y isang pangkaraniwang paham. Kung tutuusin, kung mga pilosopo ang mag-uusapan, pilosopo rin siyang makikipagtagisan.

Hindi ko alam ang tunay niyang pangalan. Ngunit alam ko nang siya’y pumanaw. Sa itim na telang sagisag ay katapusan ng buhay na sa punerarya ay nagwagayway, alam ng lahat kung sino ang namatay: si Kalamay.

Wala ng pagtitipong ukol sa pananampalataya sa Plaza Trece Martires tulad ng panahon ni Kalamay. Wala na ang mga debateng nagbigay sigla at liwanag sa isipang kulang at nauuhaw. Wala na ang mga tulad ni Kalamay na nagtatanggol, nagpapaliwanag, nag-uulat, at nagsasaysay.

Tulad ng mga panahon ngayon na kalong natin. Nangingibabaw ang takot at pangamba ng ilan sa bawat Sabadistang kumakatok at naghahanap ng kahuntahan. Nag-aalangan ang karamihan sa pagtanggol ng pananampalatayang dapat ay alagaan.

Iilan na lamang ang mga taong bihasa sa Banal na Salita. Iilan na lamang ang mga taong nagbabasa ng Banal na Wika. Iilan na lamang ang tagapagtanggol ng Banal na Utos at Buhay. Ilan na lamang ang mga taong panatag sa Diyos na Banal at Simbahang tunay.

Ang mabuting balita’y madaling tandaan. Si Kristo ay namatay. Si Kristo ay nabuhay. Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon.

Ito ang palagiang pinagpupunyagi ni Kalamay. Kailangang may kamatayan sa buhay. Hindi maaaring mabuhay na muli kung walang hanggan at katapusan. Kinakailangang maarok ng Diyos na si Hesus ang lungkot at kadiliman nang sa gayon ay mawala ang baho at sama ng kasalanan.

Dulot ng kasalanan ang kamatayan. Sa krus na sa hininga niya’y kumitil at lumagot, nabigyang saysay ang katanungang sumagot. Lahat ng pagbabadya, pag-aalala, at pagbabakasakali ay humantong sa libingang hiram. At lahat ng pagpapasalamat, papuri at pagsamba ay biglang nanariwa nang si Kristo’y muling nabuhay.

Sa wakas ng panahon, ang Panginoon nati’y babalik na muli. Kasama niya marahil ang isang boses na minsan ay kanyang naging karamay. Boses na nag-aalok, nagpapaliwanag, nagtatanggol, nagtuturo’t nagpapagunita: ang boses ni Kalamay.




2 April 2009

No comments: