Tabo


Naikwento ko na si Tabo sainyo. Gustavo del Cielo ang kanyang tunay na pangalan. Kasakasama ko siya noon sa Hospicio de San Jose. May katandaan sa akin ng konti at noong kapanahunan niya siguro, medyo may lamang rin sa karaniwan kung hitsura ang pag-uusapan. Nakapag-artista sana siya kaya lang naunahan siya ni Aga Muhlach ng isang libong paligo. Parang bodyguard ko si Tabo na hindi naman. Gayak na gayak siya lalo na kung Linggo, araw ng Panginoon. Kung minsan nga, ako pa ang napapagkamalang bantay niya.

Minsan kaming kumain sa Kenny Rogers, paborito niyang kainan, may waitress na naglakip ng survey sa hapag namin. At dahil Ingles ang saad, kinakailangan kong isalin sa wikang Tagalog para maintindihan ni Tabo. “Masarap ba ang pagkain?” tanong ko. “Oo naman,” sabi niya. “Masarap ba ang manok?” “Oo naman,” sabi pa niya. “Malinamnam ba ang pagkain?” tanong ko pa. “Oo naman,” dagdag pa niya. Pagdating sa tanong tungkol sa friendliness ng crew, salin ko sa kanya, “Mabait ba sila sa iyo?” “Sino, ang mga manok?” biglang sagot ni Tabo sa akin, “Hindi, ah!”

Kilala man natin sila o hindi, maraming tulad ni Tabo. Matanda kung tingnan, ngunit damdamin ay bata. May bigote’t parang may kalaliman, ngunit loob ay murang kaisipan. Malawak ang kaalaman kung tutuusin, ngunit kulang sa katotohanan.

Tao si Tabo. At dahil siya ay taong tulad natin, karapatdapat siyang tanggapin at galangan. Nasa kanya at sa mga taong tulad natin ang kaluluwang nagsisilbing haligi ng ating pagkatao. Dahil sa kaluluwang angkin nating lahat, walang sinuman sa taong likha ng Diyos ang hindi banal. Dahil sa kaluluwang gawa ng Diyos, walang sinuman sa taong nilikha ang hindi naaayon sa iginuhit ng tadhana.

May kamalian ang mga turo ni Darwin. Kamukha man nati’y unggoy at kapangitan na di kayang pandayin, pagbutihin at pagandahin ng sinumang Belo at Calayan, unggoy na tao pa rin na balot ng kaluluwang kabutihan ang patutunguhan.

Mali rin si Marx. Wala sa pera, trabaho, ekonomiya at industriya ang kahulugan ng tao. Ang tao ay hindi isang makina na ginagamit at pinapakinabangan. Dahil kung gamitan lamang ang mundo, sayang ng ating pagiging tao.

At lalong mali si Freud. Wala sa pagtatago at pagpapalaganap ng kasarian ang kahulugan ng tao. Ang ari ng tao ay hindi pag-aari ng tao. Gawa ng Diyos ang ari ng lalaki at babae. Gawa ng Diyos ang ari ng lahat upang pagyamanin ito sa pag-usbong ng panibagong katauhan.

Ang tao ay hindi isang unggoy na lamang. Ang tao ay hindi isang makinang ginagamit lamang. Ang tao ay hindi isang ari na lumalamang.

Dahil sa tatlong kaisipang gawa nila Darwin, Marx at Freud, natutuhang puksain ng tatlo ring mamamatay ang mga taong katulong ng Diyos sa paglikha. Ang kamatayang inihain nila Hitler, Stalin at Mao na tumupok ng karamihan ay nakaukit pa rin sa ating isipan.

Dahil sa tatlong kaisipang gawa nila Darwin, Marx at Freud, nakakakilabot isipin ang milyon milyong batang pinatay ng mga doktor na sumantala at sumalanta sa mga nanay na tumalikod at tumakwil ng mga supling nila. Daan daang aborsyon ang nagaganap habang binabasa ninyo ito. Sayang at nakakahinayang. Nabigyan sana ng buhay, ngunit wala.

Hindi tulad ni Tabo. Buhay, kahit hindi niya kilala ang kanyang mga magulang. Buhay, kahit na siya’y lumaki sa ampunan. Buhay, dahil binigyan siya ng buhay. Ng Diyos na dahilan ng buhay. Ng Diyos na simulain at wakas ng ating buhay.

Ng Diyos, ang Buhay.
7 March 2009

No comments: