Pananampalataya

Taken at Caesarea in Israel

Parang ata nagmamadali si Girlie, ang pang-apat sa aming magkakapatid, nang lumabas sa mundong ito. Wala pang isang taon si Jun nang iluwal siya ng Nanay. Nailuwal siyang may ngiti sa labi. Tunog at musika ang kanyang mga kakambal dahil sa bawat ihip ng hangin, may nabubuo siyang kanta, may nalilikha siyang awit.

Magaling si Tatay sa pagbalanse ng aming mag-anak. Boy,girl,boy,girl,boy. Una ako, kasunod si Nene, si Jun, sunod si Girlie at si Bong. Para kaming mga tiklado ng piyano. Magkakaiba ngunit nagkakaisa. Para kaming mga kinatawan ng United Nations. Iba’t ibang anyo, ngunit nagkakaalaman sa iisang anyo. Kami’y magkakapatid.

Pakatapos ng walong taon, sumunod si Manette, babae. Si Rona na bunso ang napaiba sa pagkasunod sunod namin. Nawalan na ata ng bisa ang agimat ng Tatay. Kahit na gusto niya lalake ang kanyang maging bunso, babaeng babae si Rona.

Sa kuwento kong ito nasasalamin ang dibuho ng Panginoon. Lumisan sa mundong ito si Tatay halos isang taon pa lang si Rona. At mula noon, si Rona na ang naging kaagapay at karamay ng Nanay. Tagahilot ng rayuma. Tagapuna. Tagapangalaga. Iba nga naman kung lalaki ang bunso at balanse ang aming mag-anak. Buti na lamang at nandiyan si Rona.

Mahirap ipaliwanag ang pananampalataya. Hindi ito agimat o gayuma kundi kalasag sa takot at kaba. Mahirap aminin na marami tayong kinatatakutan: kamatayan, karimlan, kahinaan, kakulangan, kawalan. Pananampalataya ang nagsisilbing liwanag sa gitna ng kadiliman. Si Hesus ang liwanag na padala at regalo ng Ama.

Kailangan natin ang pananampalataya. Hindi tayo iniwan ng sukat na lamang ng Panginoon. Kailangan nating maniwala sa Kanya, sa Kanyang mga salitang binitiwan, sa Kanyang Simbahang minahal at sa kanyang mapagpalang Kautusan.

Pananampalataya ang sagot sa lahat ng takot. Naaaninag sa bawat relihiyon sa lupa ang tatlong mahalagang bahagi sa buhay ng taong may pananampalataya. Nangunguna ang salita.

Salita na ayon sa Banal na Kasulatan at sa iba’t ibang sinulat ng mga santo at santa ng Banal na Simbahan. Salita na udyok ng matinding pananampalataya ng mga Apostoles na siyang nag-akda ng panalangin nating mga Katoliko tuwing linggo sa bawat Simbahang Katoliko pakatapos ng sermon ng pari. Salita na nararapat katuwang ng gawain, ang pangalawang bahagi.

Walang saysay ang pananalita kung walang gawaing nagpapatupad nito. Ito ang saad ng Apostol na Pablo. Sayang lamang ng mga sermon na may sigaw at suntok sa puso ng karamihan kung ito lamang ay sa bibig ng pari nananahan. Kung saysay lamang, walang dagok, walang piglas, walang bayo. Dahil nga mga salita lamang.

Ang pagsamba ang pangatlo at panghuli sa tatlong magkakapatid na bahagi ng taong may pananampalataya. Sa pagsamba niya natatagpuan ang iba’t ibang hikahos at hinagpis na ang Maykapal lamang ang nakakabatid at nakakaalam. Sa pagsamba niya nakakahuntahan ang Dakilang Kasintahan at nakakamit ng kanyang buong katawan ang Dakilang Nilalang. Sa pagsamba niya napapagtibay ang pananampalatayang hindi nakikita ngunit nararamdaman.

Panahon ng pananampalataya ng ilibing ang aking butihing Tatay. Iyak ng iyak si Rona. Halos walang patid. Marahil hindi niya maisip na wala na siyang ama. Wala ng sipol at ihip noon ang mga awit ni Girlie. Wala ng balanse ang aming mag-anak.

Ang aking Nanay naman ay masinsinang nakamasid sa matigas na bangkay ng asawang nakahimlay, katipang kagabay sa mahigit na labinglimang taon, kasintahang kawangis at katuwang sa buhay niyang taglay. Sa mata niya’y nakaukit ang pananampalatayang wala sa kabaong ang katapusan at hangganan. Sa puso niya’y nasalamin ang pag-asang hindi natatapos sa hukay at kamatayan. At sa kanyang hininga’t damdamin ay bumubulong ang lakas at tulak ng pananampalatayang humuhugot at pinag-isa ang mag-anak niyang naulilang tangan.

At doon ko tunay na napagtanto, mula noon at hanggang ngayon, sa bawat taong makasalamuha at mapakingan, pananampalataya ang totoo at siyang sagot sa takot ng karimlan.




9 February 2009

No comments: