Salamat, Nene!

Nene ang tawag namin sa kanya, ngunit ang tunay niyang pangalan ay Maria Julma. Maria, para maging halimbawa niya ang Mahal na Birhen. At Julma naman galing sa pinaghalong pangalan ng Lola ko na si Julia at nanay ko na si Manuela.

Panganay ako sa pitong magkakapatid. Dahil pangalawa siya sa hanay namin at nakakatanda ako sa kanya ng isang taon at kalahati, siya ang palagi kong kalaro, kaibigan, kapatid at kaaway. Magaling siya sa dama at Bikolanong bersyon ng Tic-Tac-Toe, ang Taytayan. Gamit namin ang takip ng bote at pinutol na walis tingting bilang armas.

Bigay naman ng isang politiko ang inukit na damang laruan namin. Sa pagitan nito ang pangalang nagpapaalalang botohan siya, Blas Ople para senador. Dahil wala pa kami sa tamang taon upang ihalal siya, nakuha naming tabunan ang pangalan niya sa bawat takip at sa bawat tingting na nabawi’t naiwagi.

Araw ng Sabado kung kami’y maglaro, pagkatapos maligo’t tulungan ang Nanay namin sa paglaba. Bangong Safeguard na sabon at Palmolive na shampoo ang halimuyak sa bahay. Nakamasid naman kung minsan si Jun, habang nakabantay si Bong na nagbabakasakaling halukayin ang hanay ng mga manlalaro namin. Si Girlie ang aming radyo. Sa kanya nakasalalay ang tinig at tunog ng laro.

Isa si Nene sa mga taong pinapasalamatan ko sa buhay. Kasama ng aking mga kapatid, pamilya, kaibigan, kaaway, kalambingan at kahuntahan. Si Nene ang isa sa mga dahilan kumbakit ganito dapat tayo—maging matatag sa gitna ng anumang laro’t palaisipan. Si Nene pa rin ang isa sa mga dahilan kumbakit matamis na gunitain ang kabataang nagdaan. At dahil sa kanya, kaming anim na magkakapatid ay palagiang nakakatanggap ng kanyang pagkamaalala. Lalo na kung Pasko at kaarawan.

Salamat sa iyo, Nene. Marahil konti lang sa atin ang nakakabatid na tatlong bahagi ang pagpasalamat. Ang pagsabing, “Salamat ha!” ay shortcut lamang ng ating ibig sabihin. Ako ay nagpapasalamat sa iyo. Ito ang long cut.

Una, ako. Galing sa akin ang salita. Galing sa akin ang pagpasalamat. Isang pagpapakumbaba, dahil mahirap sa mga mayayabang ang magpasalamat. Pangalawa, iyo. Ikaw ito. Ikaw ang pinasasalamatan ko dahil may nagawa ka sa akin. At pangatlo, salamat. Ito ang nagbubuood sa atin. Ang pagpasalamat ko ang dahilan kumbakit may nabuong pagsasama’t relasyon. Kung walang pagpasalamat, walang ako at walang iyo. Nagkaroon lamang ng pagkakaisa dahil sa pagpasalamat.

Tulad din ng pagpasalamat sa Diyos. Ako, bilang tao, ay tumatanaw ng labis pa sa utang na loob sa pagpasalamat sa Diyos, bilang Diyos, kapatid, kaibigan, magulang, kalambingan at kahuntahan. Kaisa natin ang Diyos sa panahon ng ating pagpapasalamat. Napapalapit tayong lalo sa kanya sa panahon na tayo’y magpasalamat at sa panahon ng pasasalamat.

Ito ang saad ng Panginoong Hesus. Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin, sabi niya. Ang Banal na Misa ay isang pasasalamat. Sa bawat Misa na kasama’t kaagabay tayo, pagpapasalamat ang saad at panalangin.

Kaya, maraming salamat sa ating Panginoon. Salamat sa Panginoong Hesus sa kangyang pagiging tao, sa kanyang kahirapan bilang tao at Diyos, sa kanyang pag-angkin sa atin bilang Panginoon ng lahat. Salamat sa Banal na Ama sa kanyang napakahabang pasensiya at pag-unawa. Salamat sa Banal na Espiritu sa lubusang pag-aruga at pagtalima.

Marami pa tayong dapat pasalamatan. At di lamang ang mga bagay na nakapagbigay ligaya sa atin kundi pati mga bagay, oras, tao, pangyayari na nakapagpaunawang marami pang higit sa dama at armas sa laro ng buhay.

Tulad ni Nene. Hanggang ngayon nakikisalamuha pa rin sa iba’t ibang unos ng buhay at nakikipagtagisan sa paglipas ng panahon. Hindi na ngayon takip ng bote at walis tingting. Iba na. Ngunit sa lahat ng ito’y namumutawi pa rin sa kanya ang isang

Salamat.
27 November 2008

No comments: