Rosas




Rosita ang pangalan ni Lola. Maliit na rosas. At naalala ko siya isang umagang kulimlim ang langit at nagpupumilit umeksena ang araw. Sa di malamang dahilan, amoy rosas ang kapilya namin. Walang bulaklak na rosas sa paligid. Walang taong naligong gamit ang sabong rosas. Walang aleng nagpahalimuyak sa pabangong rosas.

Ngunit sa bawat hininga, may rosas. Sa bawat singhot ng kambal na butas ng ilong, may rosas. Sa bawat hanging pumapasok sa katawang naghahanap ng kasagutan, may rosas.

Marahil nagpaparamdam ang Mahal na Ina. Marahil nagsasabing kasama ninyo ako sa inyong pagdarasal at pagmamakaawa. Marahil nagpapahayag ng kanyang pagmamahal at patnubay.

Nangyari na rin ang tulad nito noong minsang dumalaw si Carmelo. Amoy rosas ang paligid dahil mayroong rosas sa paligid. Saad ng mapakumbabang Carmelo na nagpakita sa kanya ang Mahal na Birhen. Simula noon, mensahe na niyang ipinalaganap na ipanalangin ang simbahan at ipanalangin ang kaparian.

Noong gabing iyon, sa mga rosas na dala ng mga tao nagkaroon ng iba’t ibang imahen matapos na binigyang panalangin ni Carmelo at haplusin ng langis na dati’y tubig. Milagro ang turing ng karamihan dahil hindi kayang ipaliwanag. Imposibleng magkaroon ng dibuho at arte sa mga rosas na angkin sa maikling panahon. At kung isang malaking panlilinlang ang ginawa ni Carmelo, matagal na itong nalaman.

Sa mga rosas lumabas ang huling hapunan ng Panginoon, ang mukha ng kanyang mahal na Ina, ang butihing madre ng Calcutta, ang santong pari ng San Giovanni Rotondo at marami pang iba. May dibuho ng yumaong Santo Papa, mayroong Portiuncula na dating kapilya rin ni San Francisco sa Assisi, at mayroon namang krus lamang ang nakalarawan.

Sa buhay natin, mahalaga ang rosas sa mga nagmamahalan dahil rosas ang bulaklak ng pag-ibig. May halaga ang rosas sa mga nagiibigan dahil rosas ang simbolo ng pagmamahal. Ngunit sa lahat ng ito, rosas ang ala-ala at sulyap ng katotohanan.

Dahil sa bawat rosas, may tinik na nakaambang. Dahil sa bawat rosas, may balakid na nagbabantay. May tinik sa bawat rosas dahil hindi ito magiging ganap na rosas kung ito’y walang tinik.

Amoy rosas pa rin ang paligid matapos kong lisanin ang kapilya. Marahil nandoon nga ang Mahal na Ina nagpapaalala ng mga bagay na alam na nating lahat na sa bawat pag-ibig at buhay, sa bawat pagmamahal at pagpapakabanal at sa bawat katotohanan at katapusan, may hadlang na kinakailangang alisin, may pag-aalay na kinakailang tuparin, may sakripisyong nararapat gampanan.

6 September 2008

No comments: