Paglalakbay


Ang buhay natin ay isang paglalakbay. Nagsimula sa isang pag-usbong ng pag-ibig. Namunga galing sa ugnayan na pagmamahal. At natatapos sa isang pagsalubong ng bagong araw at bagong umaga tungo sa isang panibagong buhay.

Lumakbay na ang karamihan sa atin. Galing sa pagiging bata, tungo sa pagiging matanda. Galing sa pagiging binata at dalaga, tungo sa pagkakaroon ng asawa, pamilya, apo, at iba pa. Galing sa pagiging abo, tungo sa pagiging tao, hanggang sa maging abo na muli.

Tatlo lang ang alam kong dapat dala ng isang manlalakbay: damit na pamalit, perang pamasahe o pambayad ng gasolina at kaalaman kung saan patungo. Sa pangingibang bayan lang iyan.

Kung mangingibang bansa naman, nariyan ang pasaporte, visa at lugar na kung saan mamamalagi, trabaho man o pagliliwaliw.

Kung lampas sa mga ito ang paglalakbay, ang tunay at tapat na pangangailangan ay isang kaluluwang malinis, mapagbigay at handang humarap sa Poong Maykapal.

Walang halaga ang damit na pamalit, dahil ang kaluluwa ay hindi na nangangailangan ng damit. Walang halaga ang pera, dahil ang pera’y sa mundong ito lamang. At wala ring halaga ang gasolina, dahil walang pang kotseng nakarating sa langit. Hindi rin kayang arukin ng kahit na anong space ship ang kaibuturan ng langit.

Pasaporte at visa? Wala ng pamahalaan doon. Trabaho o pagliliwaliw? Wala ng halaga dahil wala ng balakid at wala ng dahilan.

Ang nararapat lamang na dala ng kaluluwang hiwalay na sa katawang minsa’y minahal ay ang mithi na makapunta sa kanyang patutunguhan. Ginawa ng Diyos ang tao para sa kanya, at nararapat lamang na sa Diyos ang hantungan ng kanyang paglalakbay.

Mawala man siya o maubusan man ng pera. Wala man siyang pasaporte o visa o maubusan man ng gasolina. Walang saplot na damit o maubusan man ng pananalita.

Sa kanyang paglalakbay, isa lamang ang nakabantay. Sa kanyang paglalakbay, isa lamang ang patutunguhan. Sa kanyang paglalakbay, isa lamang ang hantungan.

Ang Poong Maykapal.


5 May 2008

No comments: