Abo at Apoy


Kung may abo, may apoy.

Sa apoy nagsisimula ang abo. Iba’t-ibang klase ang apoy. May apoy ng pagmamahal, may apoy ng pagkamuhi. May apoy na nagbubuklod at may apoy na naghahati.

Noong unang panahon, akala ng mga tao, apoy ang pinakamalakas sa lahat at sa buong mundo. Akala nila sa apoy nagsimula ang tao, tulad ng alamat ni “Malakas at Maganda.” Akala nila, sa apoy nagsimula ang paghulma, paghugis at pagawa ng tao. Dahil sa apoy, may mga umusbong na iba’t-ibang luto galing sa iba’t-ibang rekado gawa ng iba’t-ibang panlasa.

Medyo nagkamali ang kanilang akala. Dahil ang apoy ay nagiging abo sa pagdating ng panahong ubos na ang init, tapos na ang pangangailangan, tupok na ang pag-alab.

Kung may apoy, may tao.

Tao ang nagpasimula ng apoy. Galing sa puso ng tao ang apoy ng pag-ibig at pagmamahal. Galing din sa puso ng tao ang apoy ng pagkamuhi at pagiging sakim. Iisa ang pinagmulan ng apoy na humahati at apoy na bumubuklod: ang puso ng tao.

Noong unang panahon, akala ng tao, siya an ang pinakamalakas sa buong mundo. Nakuha niyang gawing abo ang apoy. Sa akala niya, nasa kaisipan niya ang simulain ng mundo, tulad ng sabi ni Darwin, na tatay mo at lolo ko ang mga unggoy sa zoo. Akala ng tao sa kanya nagsisimula ang lahat.

Medyo nagkamali siya sa kanyang akala. Dahil ang tao, kahit na may kagagawan sa pagtupok ng apoy at pagiging abo, ay nagiging abo rin pagdating ng panahon.

Kung may tao, may Diyos.

Ang Diyos ang simulain ng tao. Dahil sa puso ng Diyos, naging mapagmahal ang tao. Dahil sa puso ng Diyos, naging mapagbuklod ang tao. Ngunit hindi galing sa Diyos ang taong sakim at mapaghiganti. Hindi galing sa puso ng Diyos ang taong humahati sa kaparehong tao, ang taong pinapatay ang kanyang sariling lahi, sariling mag-anak, sariling kapatid.

Sa panahong dama natin, akala ng Diyos siya na ang pinakamalakas at katangitangi sa buong mundo. Kaya nga’t ipinadala Niya ang sarili niyang Anak para sa mga taong mahal niya. Akala ng Diyos, ang Anak niya ang magbibigay buklod sa mga taong mapagsamantala, tulad ng sabi sa Bibliya. Akala niya, ang Anak niya ang simulain ng lahat.

Tama ang kanyang akala. Tama Siya.

Nagkamali ang iba. Ayaw nilang maging tama. Kaya nga’t may panahon tulad ng Kwaresma, tulad ng ngayon. Upang malaman at mabatid muli ng tao na mali siya sa kanyang mga pag-aakala.

Ash Wednesday. Mierkoles de Ceniza. Mierkoles na may abo ang ating mga noo upang maalalang muli natin ang abo na ating patutunguhan o ang Diyos na ating pinagmulan.

Kung may abo, may apoy. Kung may apoy, may tao. Kung may tao, may Diyos.

Saan ba tayo, sa abo o sa Diyos?



6 February 2008

1 comment:

Anonymous said...

your abo at apoy is so poetically yet logically written.maganda siya.