Bago at Luma

Isang pagtatapat. Kasabay ng mga ala-alang pinid dahil sa rumaragasang agos ng panahon, nananahan ang isang kahapong bukas pa isang paglimot.

Pito kaming magkakapatid, at dahil ako ang pinakamatanda sa lahat, nasa sa akin ang pagpapaubaya sa mga pangangailangan ng mga nakakabata. Makailang sweldo muna o di kaya’y makailang anihan ng palay muna bago ako magkaroon ng bagong pantalon o bagong baro o bagong laruan.

Ngunit di nakakapaghintay ng sweldo o anihan ng palay ang pagbili ng bagong tsinelas. Spartan ang brand ko. Tinda ng intsik sa kanto. Kung minsa’y nilalako naman ng mga slang na Batangenyo. Madalas mapudpod ang tsinelas sa akin dahil pasadsad akong lumakad. At lalo namang madalas gamitin dahil nakakaalangan namang magsapatos ng anit kung tumatagaktak ang init.

At ito ang aking pagtatapat. Nang minsang gusto kong magkaroon ng bagong tsinelas at di pa pudpod ito, may kakaibang kaalamang biglang sumulpot sa murang kaisipan ko. Kakaiba dahil hindi karapat-dapat. Kakaiba dahil hindi dapat gawin.

Isang binaling Gillette, tira sa ginawang pang-ahit, ang kasabwat. Sa halip na sa bigote gamitin ang nagmamayagpag na Gillette, humantong ito sa tsinelas na katapat. Ahit na maliit dito, ahit na maliit doon. Hanggang gahibla na lang ang matira.

Kinaumagahan, kasabay sa paghingi ng baon sa eskwela ang pagsabing kailangan ko ng bagong tsinelas. Biglang naputol, dagdag ko. At hanggang ngayon, di ko pa alam kung nalaman ng aking nanay ang hibla-hiblang plastic na naisantabi at kumitil sa Spartan kong tsinelas.

Masarap ang magkaroon ng bago. Ibang klaseng amoy. Ibang klaseng karamdaman. Hindi tulad ng luma. Parang inaalamag. Parang pinaliguan ng magkakapitbahay na alcamphor. Parang wala ng saysay.

Tulad din ng bagong araw, bagong umaga, bagong taon. Punong-puno ito ng pag-asa at buhay. Sino nga ba naman ang lilingon sa kahapon kung tapos na ito? Kung ang araw at gabi ng ating mga kahapon ay parang walang saysay, paano pa nga ba dadalawin ito?

Ngunit bago natin kasuklaman ang iba nating mga mapait na kahapon, kinakailangang balikan din natin ang mga bakas nito at sariwain ang mga bagay na nakapagbigay ng saya at ligaya. Hindi magkakaroon ng panibagong bukas kung walang kahapong kasaysayan. Hindi magkakaroon ng bago kung walang luma.

Magkaugnay ang luma at bago. Hindi kailanma’y hidwaan ang magiging hantungan, bagkus ay pagkakaisa. Ang isang batayan sa pagkaisa ng luma at bago ay nasa Banal na Bibliya.

Nagkaroon ng katuparan ang lahat ng nasa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Bagong Tipan. Nagkaroon ng saysay ang mga ginawa ng mga tatay at lolo natin sa paniniwala, mga gawang isinaad ng mga aklat sa Lumang Tipan, dahil lamang sa mga gawa ng ating Panginoon at ang kanyang mga kauna-unahang alagad.

Pinag-isa ng ating Panginoong Hesus ang luma at bago. Dahil siya’y Diyos at may gawa ng lahat, hindi niya kailangang mamahay at manahan sa panahong tao lamang ang nasasaklaw: kahapon, ngayon at bukas. Dahil siya ang Maykapal, iisa ang kanyang panahon.

Mahirap isipin ngunit totoo. Nasa kinabukasan na ang ating Diyos habang tayo’y nasa ngayon. Nasa kahapon na ang ating Diyos habang tayo’y nasa kinabukasan. At nasa ngayon na ang ating Diyos habang tayo’y nasa kahapon.

Mahirap paniwalaan ngunit totoo. Dahil naiiba ang langit na kung saan namamalagi ang ating Diyos, ang langit ay walang ngayon, kahapon at kinabukasan. Ito ay walang kalumaan at pagbabago. At hindi rin ito makakapaghintay ng sweldo at anihan ng palay.


8 January 2008

No comments: