Handog

Sa murang isipan ko noon, mansanas ang hudyat ng Pasko. Kung kapaskuhan, kasama ng hamon, keso, kendi at manito-manita, mansanas ang isa sa mga nais kong matikman. Kalahati, menos pa sa kalahati o buo, basta may mansanas, nairaraos na ang pasko.

Kaya nga lang, isang araw nabigyang liwanag ang pagmamahal ko sa mansanas. Mansanas daw ang dahilan kung bakit nagkasala si Adan at Eba. Mansanas ang dahilan nang malaman nilang sila’y hubo’t hubad. Mansanas na inuod ng kasalanan. At dahil sa paliwanag ni Sister Corral ng umagang iyon, biglang nawala ang panlasa ko sa katakamtakam na mansanas.


Kung sabagay, mahirap ipaliwanag ngunit madaling isaad na sa likuran ng Paskong Handog ay may isang Kalbaryong Krus na tangan. Mahirap maunawaan ngunit madaling sabihin na ang isang supling sa katahimikan ng Belen ay nababanaagan ng anino ng sigaw sa Golgotha. Sa murang sabsaban, sa abang buhay at hanggang sa katapusan, sa himlayang hiram, ang Panginoong Hesus ay Paskong tunay. Isa siyang handog na inialay.

Pinagpala tayong lahat. Dahil sa Pasko, ang dakilang araw ng Kanyang pagiging isa sa atin, nagkaroon tayo ng tagumpay. At sa taon-taong pagdiriwang natin ng kapaskuhan, nasusulyapan natin ang krus na gumuguhit sa bawat kalungkutan at pighati.

Kalbaryo na marahil ang nadama ng mag-asawang Jose at Maria nang wala silang makuhang matutulugan ng gabing iyon. Kalbaryo na marahil ang kumatok sa puso ng Inang Mahal nang bawat pintuang puntahan ay sarado at pinid. Kalbaryo na marahil ang bumagabag sa mag-asawang banal habang naghahanap ng mahihimlayan.

Balikan natin ang kahapon. Saad noon ng mga lolo at lola natin sa pananampalataya, “Ano pa ba ang maaari nating ihandog upang makuha natin ang ating ninanais? Ano pa ba ang maaari nating bitawan upang mayroon tayong mahahawakan? Ano pa ba ang maaari nating ibigay upang mayroon tayong matanggap?”

May kulang pa na di kayang pantayan ng iba’t-ibang pangako ng mga paham at mga mananalaysay sa Lumang Tipan. May kulang pa na di kayang higitan ng iba’t-ibang kwento ng mga bayani sa Bibliya. May kulang pa na di kayang punuin ng iba’t-ibang tawag ng panahon.

Dahil kay Adan at Eba, luha ay nangyaring pumatak dahil sa mga luhong natanggap. Luha ang minsa’y dumanak sa mga luhong dumaloy sa mga dugong tigang. At dahil sa kanilang pagkakamali, luha rin ang sasakop sa krus na yakap.

Sa Belen, nagkaroon ng kasagutan ang katanungan ng ating mga ninuno. Dahil sa Belen nahimlay ang pag-asa at marami tayong naunawaan. Tama nga naman, sa pagsusuri lamang malalaman ang nilalaman. Sa pagtutunggali lamang nababatid ang kaganapan. At sa paghihirap lamang naiwawasto ang kasaganaan.

Wala sa luho at sarap kundi sa luha at hirap. Mas lalong madadama ang pagmamahal ng Diyos kung may paghihirap. Mas lalong matutuntunan ang kasaganaan at ligaya kung may paghihirap. Makukuha ang Diyos na hinahanap sa kahirapan.

Sa kapaskuhan, sinupil ng kabutihan ang ligalig at karimlan. Sa kapaskuhan, dinaig ng kagandahan ang kapangyarihang udyok ay kasamaan. Sa kapaskuhan, ang pusikit na pag-asa’y pilit umusbong sa isang dahilang labis pa sa lahat ng alinlangan: ang Panginoong Hesus.

Nagisnan ang matiwasay na bukas sa malamig na kahapon. Nabuhay ang pangako at init ng bagong umaga sa lamig ng gabi. Dahil kay Hesus, ang handog ng Diyos.

Handog ng Diyos na Maykapal. Handog sa Krus ng Kahirapan. Handog ay Buhay at Kaligayahan. At dahil sa Handog, tunay na Maligaya ang bawat Paskong haharapin at daraan.
7 December 2007

No comments: