Naiibang Mag-anak

Maraming pagkakaiba sa buhay ng tao. May matangkad at may pandak. May mga cute at mayroon namang mga acute. May mga matatangos ang ilong at mayroon namang ilong na orihinal na pang-basement. Tulad din ng pagkakaiba ng kasintahan, GRO at asawa, ayon sa isang text message na aking natanggap. Postpaid ang isa, prepaid naman ang pangalawa at unlimited iyong panghuli.

Dahil sa ating mga pagkakaiba, natutuhan nating mahalin ang isa’t-isa. Mahirap matutuhang ibigin ang taong halos nasasalamin natin ang ating sarili’t damdamin. Mas maraming tumatagal sa kanilang pagsasama kung tunay na magkaiba ang kanilang mga ugali at mithiin.

Oo nga’t adhikain nating maging masaya ang ating mga mahal sa buhay. Batid nating nakakagaan ng puso kung lahat ay nagkakaunawaan. Alam nating mas lalong nakakataba ng puso kung mayroong nagmamahal sa atin at mayroon tayong minamahal.

Ngunit hindi lahat ng mga mahal natin sa buhay ay ganyan. Hindi lahat ng ating mga pamilya ay mayroong pagkaunawaan. Hindi lahat ng pamilya ay masaya. Hindi lahat ng pamilya ay nagkakaisa.

Dahil karaniwan sa bawat pamilya ang magkaroon ng alitan at hidwaan. Karaniwan sa bawat pamilya ang magkaroon ng luha at pighati. Karaniwan sa mga nagmamahalan ang tampuhan at galitan.

Tulad ng bagang na parang magkagalit sa pagnguya ng pagkain, ang pagsasamahan ay nabibigyang kulay at kahulugan sa minsanang alitan at tampuhan. Paano nga naman magiging tutuo ang buhay kung lahat na lamang tawanan at kasiyahan? Paano nga naman maging tunay ang buhay kung lahat na lamang ay ligaya at katuwaan?

Mahirap sariwain ang nakaraan, lalo na kung medyo may kapaitan. Ngunit madaling balikan ang kahapon ng mga taong nagmamahalan. Madaling harapin ang daan na tinahak at tatahakin kung mayroong pag-ibig.

Ang bawat Misa na ating pinagsalunan ay isang pagbalik sa mapait na kahapon. Sa kapaitan nito ay nalaman natin ang pagmamahal na kasingtamis ng pinakamatamis na asukal at panutsa. Ang bawat Misa na ating pinagdaluhan ay isang pagunita sa malungkot na nagdaan. Sa kalungkutan nito ay napagtantiya natin ang pag-alay na labis pa sa ginagawa nating pag-aalay.

Napapagaan ang luha ng lungkot at pait ng pagmamahal na labis at sagana. Dahil sa pagmamahal na nararapat manatili sa bawat pamilya sa kabila ng iba’t ibang dagok sa buhay, nangyayaring yakapin ang mga yapak na minsa’y tinalikdan ang ating mga bukas. At dahil sa pagmamahal na nagiging larawan at salamin ng pagmamahal ng Poong Maykapal, nangyayaring yapakan ang mga yakap na minsa’y binuksan ang ating mga nakapinid na puso.

Iba’t-ibang pagkakaiba ang nagpapatibay sa bawat pagsasamahan. Ito ang nagbibigay kulay sa bawat tahanan. Ito ang nagbibigay kahulugan sa bawat pagmamahalan.

Nagkakaiba ngunit iisa. May kaibahan ngunit may pagkakaisa. Dahil iisa. Iisang pananampalataya. Iisang pamilya. Sa Iisang Diyos.

1 October 2007

No comments: