Pinas


Hindi maipagkakailang may malaking pagkakaiba ang tumira sa Amerika at sa lupang mahal nating lahat: ang bansang Pilipinas. Kahit na parang tinubuan yata ng pigsa at naiwanan na ng mga kalapit na bansa, maipapahayag pa rin ng iba sa atin na Pilipino tayo at ikinararangal nating tawaging Pinoy. Iyong iba nama’y parang nahihiyang maituring silang Pilipino kahit na hindi maitago ang kayumangging kulay at ilong na hindi makabangon sa hatak ng gravity.

Kapag masipag ka sa Amerika, may pera ka. Ibang-iba sa Pinas. Parang yong salawikain. Daig palagi ng mga maagap ang mga masisipag. Yong mga sipsip, mga malalapit sa mga bosing, mga tagapalakpak, tagapunas ng pawis, yong mga tagahawak ng payong at tagapaypay—sila ang mga mas may pera keysa sa mga taong halos lugmok na ang sarili’t katawan sa trabaho.

Pero dahil may pera ka sa Amerika, hindi mo nakakalimutan ang mga naiwanan mo sa Pinas. Kilala mo ang iba’t ibang padalahan ng balikbayan boxes, ang iba’t ibang money remittances, ang iba’t ibang phone cards. Hihintuan mo ang iba’t ibang flea markets, garage at yard sales. Alam mo kung saan may sale, kung saan mas makakamura. BJ’s, Costco at Sam’s Club—parang mga kumpare mo na ata silang nag-uunahan sa pag-alok ng maipapadala.

Iba nga naman ang makapagpadala sa Pinas. Masayang isipin na matutuwa sila sa Spam at Libby’s corned beef panangga sa daing at tuyo, sa mga naglalakihang karton ng Colgate at Closeup panlaban sa kakapiranggot na toothpaste sa sachet. O sa mga matatangap nilang damit na pinaglumaan na, umiksi sa washing machine o tinabaan kaya. Sayang nga naman kung itatapon lamang.

Marami tayong maipapadala sa Pinas. Ang di lang natin maisama ay ang sarisaring kalungkutan na kung minsa’y bumabalot sa ating pag-iisa. Kulang ang barkada dito. Kulang ang huntahan. Kulang ang istambay.

Mas lalong nararamdaman ang kalungkutan sa mga panahong nagkakasakit ang Pinoy sa Amerika. Kulang ang pag-aalala. Kulang ang mga bantay. Kulang ang pag-aaruga.

Kaya kahit na nga may malaking pagkakaiba ang mga buhay natin, sa Pinas man o sa Amerika, batid naman nating lahat na ang kasiyahan at kaligayan ay hindi natitimbang ng pinadalang remittance o balikbayan box.

Kung maaari nga lamang na kasama’t kapiling natin silang mga mahal sa buhay, kung maaari nga lamang na doon na lang sa Pinas manirahan, kung maaari nga lamang na daigin natin ang mga sipsip sa ating lipunan, marahil wala ng pagkakaiba.

Hindi na kailangang manirahan pa sa Amerika. Tama na sa Pinas. Sa mga daing at tuyo. Sa mga kakapiranggot na toothpaste sa sachet. Sa mga ukay-ukay.

Kung maaari nga lamang.
3 June 2007

No comments: