Mahal kita

Si Aida, si Lorna o si Fe. Pamagat iyan ng kanta ni Marco Sison at hindi pangalan ng tatlong santa. Si Kumpareng Marco ay naguguluhan. Tatlo silang gusto niyang maging siyota: si Aida na galing sa opera ang pangalan, si Lorna na lobo naman ang kahulugan ng pangalan sa mga taga Ireland at si Fe na pananampalataya naman ang ibig sabihin kung tatanungin ang mga Kastila.


Tatlo silang magaganda, dagdag pa ni Pareng Marco. Mayayaman na at seksi pa. Mahirap nga naman kung iisipin. Buti na lang kung may kulane si Aida, o sakang si Lorna. Buti na lang kung uhugin si Fe, madali sanang piliin kung sino ang maaring makasama. O di kaya’y tatlo ang puso ni Marco. Tig-iisa sa tatlong dilag. Pero, imposible.

Dahil marami tayong hinangad na hindi naman kailangan, hindi natin napapansin ang tunay na kagandahan ng buhay. Dahil marami tayong ninanais sa buhay na kung tutuusin ay kapos naman sa ating tunay na pangangailangan, hindi natin nabibigyang halaga ang mga nararapat. At dahil marami tayong minimithi na kulang naman sa ating sidhi at adhikain, ang pagmamahal na dapat mamayani sa ating mga tahanan ay nakakalimutan.

Tulad din ng mga mahal natin sa buhay at sa mga taong nagpagulo na rin ng ating mga isipan.

Hindi maipagkakailang may mga mahal tayo sa buhay na di kayang takpan ng paglimot ng kahapon o ikubli ng mga pangako ng bukas. Marami na tayong dinaanang luha’t dalamhati sanhi ng pag-ibig na pumuknit sa ligayang taglay.

May kumatok na sa ating mga puso. At dahil kapwa nadama ang magkasabay na pintig ng puso, halos di marinig ang isinaad sa lakas ng dating. Di halos marinig ang katagang matagal nang pinaghandaang sabihin, “Mahal Kita,” dahil sa lakas ng kumakalabog na dibdib, pilit umaalpas at handang lumabas sa pag-alay ng tunay na damdamin.

Marami tayong natutunan sa mga taong mahal natin hindi batay sa kanilang itinuro at kaalaman, kundi sa mga ginawa nilang pag-aaruga, pagmamalasakit at pagmamahal sa atin. Napakagandang maranasan at isiping muli ang panahon nang sabihin mong mahal mo ang isang taong tutuong mahal mo, lalo na kung alam mong ang pagmamahal na iyon ay walang katapusan at magpasawalang hanggan. Napakaaliwalas na alalahanin ang araw o gabi na iyon na kahit man nagkahiwalay ng landas ay nagkaisang muli.

Ito ang kabutihan ng paglayo sa bawat isa: ang pag-asang magkikitang muli. Sa mga nagmamahalan, hindi maiwasang takasan ang nagpupumiglas na damdamin habang umuudyok ang pag-asam at pagmaliw na magkita at magkapiling muli.

Ito rin ang palagiang nararamdaman ng Butihing Maykapal. Di na kailangang ipahayag at bigkasin. Di na kailangang damhin at patunayan. Mahal Niya tayo noon, ngayon at bukas. Mahal Niya tayo, may bahid man ng kasalanan o saplot ng biyaya. Mahal Niya tayo, lingid man sa kaalaman ng iba o batid ng karamihan. Si Aida ka man, si Lorna, si Fe o si Marco.

Nanahan ang pagkakamali sa pagdududa at pag-aalinlangan. Nananatili ang kasalanan sa pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan.

Mahal kita, iyan ang saad ng Ama sa mundong ginawa. Mahal kita, iyan ang tugon ng Anak sa buhay niyang inialay. Mahal kita, iyan ang sabi ng Espiritu sa simbahang kinupkop at binabantayan.

Mahal kita.


30 June 2007

No comments: