Duling


Masarap daw magmahal ang mga duling. Mahulog ka man sa bangin, sa iyo pa rin siya nakatingin. Isa ring lumang biro ang sabihing mas lamang ang mga kapatid nating duling sa atin. Dalawa ang kanilang nakikita habang tayo ay isa lang. Iisa lang ang tinitingnan ngunit iba ang nakaambang kahulugan.

Tulad ng buhay. Kung sa isa’y masarap, maganda at maaliwalas ito. Sa iba nama’y, mahirap, masikip at masaklap. Kung sa iba’y, pagkakataon ang tingin sa suliranin, sa iba nama’y parang patalim na nakabaong pilit na binabaklas hanggang mawala ito.

Marahil isa ito sa mga dahilan kumbakit magkakaiba ang ating mga pagtingin, pagmalasakit at pananaw sa buhay. Iisa lang ang ating patutunguhan ngunit parang magkaiba ang mga nakaambang dahilan. Iisa lang ang ating adhikain ngunit iba-iba ang mga pinaniniwalaan. Iisa lang ang Diyos ngunit ibang iba ang kaalaman sa hugis at kawangis Niya.

Isa lang si Allah. Isa lang ang ating Diyos. Kung duling man tayo o bulag, mulat man ang mata o nagtutulog-tulogan, ang Diyos na ating pinaniniwalaan ay parehong Diyos ng pagmamahal, pag-aruga at pagpapatawad. Walang pagkakaiba. Iisa ang himlayan dahil iisa ang kahilingan.

Ito ang isa sa mga dahilan kumbakit naging duling ang Diyos nang tiningnan tayong muli. Makasalanan ang mga anak niya, ngunit nakita niya ang pagkakataong magbabago rin sila. Naging makalimutin at makasarili ang mga ginawa niya, ngunit nakita niyang muli sa kanila ang pagkakataong maging maaalahanin at mapagbigay. Sa kanilang unti-unting pagkitil ng buhay na bigay at may hangganan, inialay niyang muli ang buhay na walang katapusan.

Nangyari ito sa pamamagitan ni Hesus. Diyos na nagkatawang tao. Diyos na nag-alay ng buhay sa mga taong mahal niya. Taong dumaan sa kahirapan hanggang tanglayin ng Diyos niyang Ama. Taong alam kung ano ang pawis, dugo at kamatayan dahil dinaanan niya ito. Diyos na nagmamahal sa mga taong takot, pawisin at duguan sa katotohanan.

Si Hesus ang ipinadala ng Ama para tuparin ang pinaghatian nating pag-asa. Nang sa bandang huli ay magkaisang muli ang ating mga paningin, dinaig niya at nilampasan ang iba’t-iba nating pagtingin. Nang supilin niya ang iba’t-iba nating mga suliranin, dinaanan niya at naramdaman kung paano ang maging duling.









1 April 2007

No comments: